Pinatamaan ni former presidential Spokesperson Salvador Panelo ang isang hindi pinangalanang babaeng senador na aniya’y ginagamit lang ang kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang paingayin ang kanyang pangalan sa Senado.
Sa kanyang column sa The Manila Times, binanggit ni Panelo na nakakapanlumo na mayroong tao na handang mamahiya ng isang public official para lamang bumango ang kanyang pangalan sa taumbayan.
Aniya, nagsimula raw ito noong nagkaroon ng sapilitang pagpapasara sa Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa tahasang akusasyon na si Pastor Apollo Quiboloy ay sexual abuser at human trafficker.
Ayon kay Panelo, ang pagpapasara ng SMNI ay hindi man lamang dumaan sa tamang proseso. Ngunit, hindi umano naging matagumpay ang senadora na ito para ipakulong si Quiboloy kaya bumaling siya sa ibang isyu at ito ang kaso ni Guo.
Dagdag pa ni Panelo, hindi na raw dapat nakisawsaw ang nasabing senadora at isinama pa raw sa imbestigasyon ang tunay na nasyonalidad at pagkakakilanlan ni Guo dahil masyado na raw itong personal at malayo na sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
“[T]his lawmaker continues to violate constitutional rights and besmirch the reputation of people, adjudging them guilty of crimes without going through the rigorous demands and exacting process of a trial by a court of law.”
Parinig pa ng dating presidential spokesperson, masyadong ganid sa “publicity” ang senador na ito kaya gusto niyang halukayin pati ang pagkatao ni Guo.
Dagdag niya, dapat wakasan na ang pananamantala ng mga ganitong senador dahil gumagawa na ito ng tila lason sa taumbayan kung saan dumarami na ang pekeng social media posts tungkol kay Guo.
Aniya, tama na ang pamamahiya sa mga taong inosente at hindi na dapat maulit ang mga dating kaso na ang napaparusahan ay ang mga taong walang sala sa batas.
“They are humiliated before the public, their reputation tarnished, their character tarred, their family carrying the burden of sufferance. They are fortunate if their honor is redeemed before they travel to the great beyond.”
Dahil dito, sinabi niyang dapat magkaroon ng tamang proseso sa pagtalakay sa kaso ni Guo upang maiwasan na rin ang pagkakaroon ng “unconsitutional” na pagdinig sa bansa.
Sa kanyang huling pahayag, sinabi niya na kung sinuman ang nagtutulak ng ganitong gawain ay hindi nababagay na magserbisyo sa bansa dahil ang tanging gusto lamang nito ay kapangyarihan.
“Persons who are clothed with legislative authority who obstinately are or intolerantly glued to their opinions and prejudices have no place in a democratic society such as ours — they belong to the dungeons.”
Matatandaang ang mga babaeng senador na gumigisa kay Guo ay sina Senator Risa Hontiveros at Loren Legarda kung saan paulit-ulit nilang kinakalkal kung ano ang tunay na pagkatao ng nasabing mayor.