Pinasinungalingan Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang banta ng Makabayan bloc na maaaring tumaas ang presyo ng mga bilihin sakaling ma-amyendahan ang mga economic provision sa 1987 Constitution.
Sa isang press briefing sa House of Representatives, ibinasura niya ang mga pahayag ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at sinabing ito ay isang malaking kasinungalingan.
Binigyang-diin din ni Garin na ang mga iminungkahing pagbabago sa mga economic provision ay naglalayong hikayatin ang foreign direct invesments na maaaring magresulta sa kompetisyon, na pinaniniwalaan niyang sa huli ay magpapababa ng mga presyo ng mga bilihin.
“Will economic Cha-cha cause an increase in inflation? Ang sagot ko po, pasensya na po sa mga nagsabi, pero isa po yang malaking kalokohan at kasinungalingan. Bakit? Tila binibigyan natin ng maling pag-intindi ang taong-bayan,” giit niya. “Kaya kung mayroon man nanlilinlang sa atin na economic Cha-cha ay tataas ang inflation, pasensiya na po but it’s a big lie,”
“Napakasimple lang noon eh. Kapag may kompetisyon, bababa ang presyo. It’s as simple as that. Huwag na natig linlangin ang taong-bayan. Siguro iyong iba, hindi naintindihan anong meaning ng inflation. Ang ibig sabihin noon kapag tumaas iyon tataas ang mga bilihin, ganon iyon, tataas ang presyo,” dagdag ng mambabatas.