Sa gitna ng kontrobersiya kaugnay ng illegal drug trade at operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), inirekomenda ng House of Representatives Quad Committee (Quadcom) ang mas malalim na imbestigasyon sa ilang prominenteng personalidad, kabilang sina Davao City Representative Paolo Duterte, dating presidential economic adviser Michael Yang, at dating mayor ng Bamban, Tarlac, Alice Guo.
Ayon kay Rep. Robert Ace Barbers, lead presiding officer ng Quadcom, kailangang tiyakin ang koneksyon ng mga sumusunod na personalidad sa mga iligal na aktibidad:
- Illegal Drug Trade at Smuggling ng Shabu: Rep. Paolo Duterte, Davao Councilor Nilo Abellera Jr., at dating DENR undersecretary Benny Antiporda.
- Illegal POGO Activities: Alice Guo, stakeholder ng Whirlwind Corporation Katherine Cassandra Ong, at ilang foreign nationals tulad nina Tony Yang at Hongjiang Yang.
Naungkat ang pangalan ni Duterte sa unang pagdinig ng Quadcom noong Agosto 16, matapos ibunyag ng dating Bureau of Customs intelligence officer na si Jimmy Guban na tinakot siya ng staff ni Antiporda upang huwag banggitin ang pangalan ni Duterte at iba pang personalidad kaugnay ng nawawalang shabu shipment noong 2018.
Koneksyon ng POGOs sa Illegal Drug Trade
Samantala, isang drug bust sa Pampanga na nagkakahalaga ng ₱3.9 bilyon ang nag-ugnay sa ilang POGO hubs sa drug trade. Natuklasan na ang kumpanyang Empire 999, na pag-aari ng mga foreign nationals na nagpapanggap bilang Filipino citizens, ay iligal na nakabili ng lupa para sa kanilang operasyon.
Ayon kay Barbers, ang POGOs ay naging sentro ng human trafficking, money laundering, cybercrimes, at imbakan ng iligal na droga.
Ugnayan ni Alice Guo at ng Chinese Communist Party
Lumabas din sa isang dokumentaryo ng Al Jazeera na si Guo ay may umano’y koneksyon sa Chinese Communist Party. Ayon sa ulat, may kampanya si Guo sa Pilipinas na pinondohan umano ng Chinese spy na si She Zhijang.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH