Maaaring maharap sa imbestigasyon ng Kamara ang mga responsable sa napakalaking power outage sa Panay Island. Ito ay matapos pangunahan ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin ang panawagan para sa komprehensibong imbestigasyon sa insidente.
Matatandaang naapektuhan ng blackout, na naganap noong Enero 2, ang iba’t ibang lalawigan sa Western Visayas, kabilang ang Guimaras Island, Iloilo, Antique, Aklan, at Capiz.
Si Garin, na siya ring House Deputy Majority Leader, ay nagpahayag ng kanyang matinding pagkabahala sa epekto ng power outage sa buhay ng mga residente at mga economic activity sa rehiyon. Idineklara niya na ang mga mapatunayang responsable sa blackout ay dapat managot sa pagkagambalang dulot nito.
Binigyang-diin niya na hindi katanggap-tanggap ang epekto ng blackout na ito sa mga mamamayan ng Panay Island. Hindi lamang nito apektado ang pang-araw-araw na buhay ngunit nagdulot din ng malaking dagok sa mga negosyo, partikular na sa maliliit na negosyante.
Inaalala rin ng mambabatas ang kalagayan ng mga lokal na negosyo tulad ng mga kainan at mga nagtitinda sa palengke, at binigyang-diin ang agarang pangangailangan para sa mga solusyon upang maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap.
“Maraming nasirang ingredients ng ating MSMEs mga kainan. Mga isda ng mangingisda sira din. Parang hindi magandang pagsalubong sa taong 2024,” aniya.
Iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na naantala ang supply ng kuryente sa mga power plant sa Panay Island na naging sanhi ng malawakang pagkawala ng kuryente.
Bukod pa rito, nanawagan din si Garin sa Department of Energy at NGCP na agarang tugunan at lutasin ang sitwasyon ng pagkawala ng kuryente sa Western Visayas. Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagtiyak ng pare-pareho at maaasahang suplay ng kuryente para sa mga apektadong lugar.
Photo credit: Facebook/DocNanayJanetteLGarin