Tuesday, November 5, 2024

Bill Para Sa Satellite-Based Technologies Inihain Sa Senado

12

Bill Para Sa Satellite-Based Technologies Inihain Sa Senado

12

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Upang matiyak na magiging konektado ang buong bansa sa internet, muling inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na naglalayong palawakin ang kasalukuyang digital infrastructure ng bansa gamit ang satellite technology.

Sa ilalim ng Senate Bill 814, o ang Satellite-Based Internet Connection Technology Act of 2022, na unang ipinakilala ni Gatchalian sa 18th Congress, isusulong ng gobyerno ang paggamit at pag-develop ng mga satellite services para magbigay ng universal internet access.

Ito ay pinaniniwalaang malaking tulong sa e-governance at paghahatid ng mga mahahalagang serbisyo kabilang ang edukasyon, kalusugan, kalakalan, pananalapi, pagtugon sa kalamidad at kaligtasan ng publiko.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na hindi pa naaabot ng Pilipinas ang digital potential nito, lalo pa’t wala pang kalahati o 45 percent ng mga Pilipino at 74 percent ng mga pampublikong paaralan ang hindi pa konektado sa internet, pag-aaral ng The Asia Foundation noong 2019.

Ayon naman sa Ookla Speedtest Global Index Report, ang average na bilis ng pag-download para sa mga fixed broadband connection sa first quarter ng 2022 ay 52.16 megabytes per second (mbps), na mas mababa kaysa sa global average na 113.25 mbps noong Setyembre 2021.

Ipinaliwanag ng senador na sa pamamagitan ng satellite-based technology, nagpapadala ang Internet Service Provider (ISP) ng fiber internet signal sa satellite sa kalawakan. Ang satellite dish ay konektado sa modem ng gumagamit upang ito ay makakonekta at magamit ang internet.

Ang panukalang batas ni Gatchalian ay nagpapahintulot sa mga value-added service (VAS) providers at mga internet service provider (ISP) ng direktang access sa lahat ng satellite system upang palawakin ang mga satellite-based network.

Ang panukala ay nagpapahintulot din sa mga government organizations, pampubliko at non-profit na pribadong institusyon at mga volunteer organization na may kaugnayan sa edukasyon, kalusugan, pananalapi, agrikultura, environmental management, climate change management, kahandaan sa sakuna, at pagtugon sa mga krisis upang magpatakbo ng satellite-based technology.

Upang makatulong sa pagtugon sa sakuna, ang mga kagawaran ng lokal na pamahalaan ay papayagang mag-install ng satellite-powered communications equipment, tulad ng mga satellite phone, satellite-powered portable cell sites, at iba pa.

Pinapalawak din ng panukala ang kapangyarihan ng Institute of Information and Communications Technology (DICT). Kasama sa mga responsibilidad ng ahensya ang pagbuo ng patakaran sa satellite at pangangasiwa sa regulasyon at administratibo ng mga ISP at VAS.

“Batay sa naging karanasan natin nitong panahon ng pandemya, nakita natin kung gaano kahalagang maabot ng internet ang bawat isa sa ating mga kababayan. Kaya naman isusulong natin ang paggamit ng satellite-based technology upang mapadali ang pag-abot sa mga lugar na hindi pa konektado sa internet,” ani Gatchalian.

Dagdag pa ng senador, magiging bahagi rin ng mandato ng DICT na tukuyin ang mga lugar na itinuturing na hindi naseserbisyuhan at kulang ang serbisyo ng mga tradisyunal na broadband operators, gayundin ang mga lugar kung saan maaaring magamit nang husto ang satellite internet.

Photo Credit: Senate website

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila