Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagbuo ng mas matibay na mga programa sa children protection.
Sa isang pahayag, sinabi niya na responsibilidad ng pamahalaan na tiyakin na ang mga batang Pilipino, na itinuturing na isa sa mga pinaka-mahinang sektor ay protektado sa lahat ng oras.
“Unahin natin ang mga mahihirap, mga hopeless at helpless, mga walang laban tulad ng mga kabataan. Proteksyunan natin ang kanilang kapakanan,” apela ni Go.
Matatandaan na sa isang courtesy call kamakailan, sinabi ni Mama Fatima Singhateh, ang United Nations Special Rapporteur on the Sale and Sexual Exploitation of Children, na ang Pilipinas ay nananatiling pangunahing hub para sa child trafficking, sale, sekswal na pang-aabuso, at sapilitang kasal.
Nagpahayag din si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ng kanyang pagkabahala tungkol sa nakababahala na pagtaas ng online sexual abuse and exploitation of children at binanggit na ang bansa ay nangunguna sa mga kaso ng child exploitation.
Samantala, muling iginiit ni Go ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gobyerno na magsagawa ng mas agresibong aksyon laban sa pang-aabuso at karahasan sa mga bata.
“Nakakabahala at nakakalungkot po kung mga kabataan pa po ang nagiging biktima dito. It is the State’s duty, like the parent of the nation, to protect its citizen, especially those who are not able to protect themselves, such as children who are vulnerable po and helpless,” aniya.
Sa kanyang panig, muling inihain ng mambabatas ang panukalang amyendahan ang Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act” sa layuning pahusayin ang mga hakbang sa proteksyon ng bansa para sa mga bata.
Ang layunin ng Senate Bill No. 1188 ay amyendahan ang Seksyon 5(b) ng Anti-Child Abuse Law, na nagsasaad ng mga parusa para sa mga taong nagsasagawa ng mahalay o sekswal na pag-uugali sa mga batang wala pang 12 taong gulang.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga kahalayan laban sa isang menor de edad na wala pang 12 taong gulang ay pinarurusahan ng reclusion temporal habang ang parehong aksyon na ginawa laban sa isang bata na higit sa 12 taong gulang ngunit wala pang 18 taong gulang ay pinarusahan ng reclusion temporal hanggang reclusion perpetua.
Sa kabilang banda, itinaas ng iminungkahing pag-amyenda ang parusa para sa sinumang mapatunayang lumabag sa batas sa ilalim ng nabanggit na artikulo mula sa reclusion temporal hanggang sa reclusion perpetua.
“I am willing to support such measure basta maproteksyunan ang ating mga kabataan. Ayaw nating maabuso ang mga kabataan, mga kabataan ang kinabukasan ng ating bayan. Dapat natin silang proteksyunan,” ayon kay Go.
Photo Credit: kuyabonggo.ph website