Friday, November 29, 2024

Bong Go Suportado Ang Pagrepaso Ng Mga Patakaran Sa OFW Deployment

3

Bong Go Suportado Ang Pagrepaso Ng Mga Patakaran Sa OFW Deployment

3

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Kasunod ng brutal na pagpatay sa isang 35-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, nananawagan si Senador Christopher “Bong” Go para sa pagrepaso sa mga patakarang namamahala sa deployment ng mga OFW.

Ayon sa Kuwaiti media, ang nasunog na bangkay ng Filipino domestic worker na si Jullebee Ranara ay natuklasan sa isang disyerto sa bansa noong Enero 22.

Sa isang ambush interview matapos dumalo sa groundbreaking ng Super Health Center sa Kawit, Cavite noong Miyerkules, Enero 25, hinimok ni Go ang Department of Migrant Workers (DMW) na masusing subaybayan ang mga pangyayari sa kaso.

“Pag-aralang mabuti at nandidiyan naman po ang Department of Migrant Workers. Kaya nga po mayroon tayong DMW para sila po ang mangasiwa, mag-aasikaso tuwing may ganitong problema,” aniya.

Samantala, ginunita ni Go na hindi ito ang unang pagkakataon na pinatay ang isang Pinay domestic worker sa Kuwait. Noong 2019, ang Filipino household service worker na si Jeanelyn Padernal Villavende ay pinaslang din ng kanyang employer na Kuwaiti. Noong 2018, natuklasan ang bangkay ng isa pang domestic worker na si Joanna Demafelis sa loob ng isang abandonadong bodega.

Nagpahayag din siya ng kalungkutan at galit sa brutal na pagpaslang kay Ranara, at sinabing dapat ibigay ang hustisya sa biktima.

“Alam n’yo, hindi po nababayaran ang lungkot. Mas nanaisin nilang magtrabaho dito sa ating bansa. Ngunit kailangan nilang makipagsapalaran, magtrabaho sa ibang bansa para may maipadala sila rito sa kanilang pamilya at nakakatulong din po sa ating ekonomiya. Ngunit sila po ang nagiging biktima roon ng karahasan,” ayon sa mambabatas.

“Nasasaktan po ako. Pangalawang beses na po ito in three years na mayroon pong pinatay sa Kuwait. Dapat po panagutin ang dapat panagutin at tingnan nang mabuti ang kasunduan, tingnan nang mabuti rin kung sino ba ang employer, dumaan ba ito sa proseso, ‘yung pag-recruit ng mga kababayan natin,” dagdag niya.

Ang anak ng amo ni Ranara ay inaresto na ng mga awtoridad ng Kuwait, ayon sa isang pahayag mula sa DMW.

“Maalala ko January of 2020, nag-impose po ng deployment ban si dating pangulong Rodrigo Duterte at tiningnan nang mabuti kung ano ba ang nandu’n sa kasunduan, hiningi ni dating pangulong Duterte, ‘yung ating nararapat na karapatan na ibigay sa atin at dapat po pabor ang kasunduan sa Pilipinas,” ayon kay Go.

“So sa ngayon po, dapat tingnan nating mabuti at hindi po dapat maulit ang mga ganitong pangyayari. Nasasaktan po tayo. So, imbestigahan nang mabuti at papanagutin po ang dapat papanagutin para hindi na po maulit muli ang ganitong pagkamatay ng ating kababayan,” aniya.

Binigyang-diin din ng senador kung gaano kahalaga para sa pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang mapangalagaan ang buhay ng mga Pilipino na piniling maghanap ng mga oportunidad sa trabaho sa labas ng bansa.

“Importante po dito seguridad. Buhay po ng ating mga kababayan,” aniya.

“Hindi nga po natin sila mapigilan magtrabaho sa ibang bansa dahil mas malaki po ang sahod sa ibang bansa. Pero dapat po, unahin natin, proteksyunan natin ang buhay nila at karapatan nila na hindi po dapat maulit ang ganitong karahasan. Security po, security ng ating mga OFW,” dagdag ni Go.

Bilang pagsuporta sa mga rekomendasyon ng iba pang mga senador, iminungkahi rin niya na dapat isaalang-alang ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga OFW sa mga bansang may sapat na mekanismo para protektahan ang mga manggagawa tulad ng mga lumagda sa International Labor Organization Domestic Workers Convention, bukod sa iba pang mga internasyonal na kasunduan at protocol na nakatuon tungo sa pagbibigay ng higit na proteksyon at pagtataguyod ng kapakanan ng mga migranteng manggagawa.

Photo credit: Facebook/dmw.gov.ph

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila