Isiniwalat ni Senador Win Gatchalian ang umano’y tunay na katauhan ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos maglabas ng dokumento sa kanya umanong pagkakilanlan batay sa records ng Board of Investments (BOI) at Bureau of Immigration (BI).
Sa kanyang Facebook post, ipinakita ni Gatchalian ang dokumento ng babaeng nagngangalan na Guo Hua Ping at nagpapakita ng isang litrato na kamukha ni Mayor Alice Guo.
Bukod sa pangalang nabanggit, sinabi rin ng senador na ayon sa mga dokumento na ibinahagi ng BOI at BI, nakapasok sa bansa diumano si Guo noong pang January 12, 2003 sa edad na 13 years old kasama ang kanyang hinihinalang ina na si Lin Wen Yi.
“Kahit anong tago, lalabas at lalabas ang katotohanan,” sambit ni Gatchalian kasabay ng kanyang pagsisiwalat sa mga dokumentong ito na aniya’y ipinasa ng pamilyang Guo sa kanilang Special Investors Resident Visa application.
Maaalalang ang pangalang Lin Wen Yi ay naunang nang nabanggit sa mga nakaraang imbestigasyon kay Guo matapos isiwalat ni Gatchalian at Senador Risa Hontiveros na business partner umano ito ng kanyang ama na si Jian Zhong Go.
Sa kabila nito, hindi nagkaroon ng pagkakataon na mapatunayan na sila ay magkadugo dahil sa balitang nakaalis na umano ang mga ito sa bansa kung kaya’t hindi naimbitahan para sa DNA testing.
Bukod sa pagkilatis sa kanyang tunay na katauhan, ang suspendidong mayora ay humaharap din sa iba’t-ibang kaso matapos madiskubre na siya ay naging isa sa partners diumano ng human trafficking hub sa bansa.