Pinatawag ng quad committee ng House of Representatives si Irmina Espino, kilala rin bilang “Muking,” isang pinagkakatiwalaang aide ni Senador Bong Go at umano’y kasabwat sa mga financial operation kaugnay ng drug war ng Duterte administration.
Sa pagdinig noong Oktubre 11, isiniwalat ni retired police colonel Royina Garma na si Go at Espino ay sangkot sa “sensitive communications” at mga transaksyon sa drug war. Ayon kay Garma, noong 2016, tumawag si Espino sa kanya para kunin ang contact details ni Col. Edilberto Leonardo, Criminal Investigation and Detection Group Region 11 chief, alinsunod sa utos ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang matapang na pag-amin, isiniwalat ni Garma, na mismong ang dating pangulo ang tumawag sa kanya noong Mayo 2016 para ipatupad ang “Davao Model” sa buong bansa. Ang modelong ito ay isang reward system kung saan binabayaran ang mga pulis batay sa bilang ng mga napapatay na drug suspects.
Ayon kay Garma, si Leonardo, dating commissioner ng National Police Commission (Napolcom), ang nanguna sa pagpopondo at pagpapatakbo ng Davao Model. Sa affidavit niya, sinabi niyang regular na binibigyan ni Leonardo ng updates si Go tungkol sa mga summary reports ng mga napatay at mga bagong pangalan sa narco list. Kasama rin dito ang reimbursement para sa mga gastos ng operasyon na nauwi sa pagpatay.
Ibinunyag pa ni Garma na nakabatay sa “bracketing system” ang cash rewards—mula P20,000 hanggang P1 milyon. Depende ito sa kategorya ng taong sangkot sa illegal drug trade, tulad ng traffickers, pushers, at chemists.
Ang malagim na sistemang ito ay bahagi umano ng mas malawak na kampanya ng administrasyong Duterte para sugpuin ang droga, ngunit iniuugnay ito sa libo-libong kaso ng extrajudicial killings.
Ayon kay Representative Robert Ace Barbers, overall chair ng quadcom, mahalagang imbestigahan ang papel ni Espino sa pinansyal na aspeto ng drug war.
Ayon kay Garma, patuloy na nakatrabaho ni Espino si Go nang maging Special Assistant ito ni Duterte.
Itinanggi naman ni Go ang mga paratang. “Wala akong direktang o di-direktang kinalaman sa operasyon ng war on drugs,” giit niya noong Sabado.
Photo credit: Facebook/senateph