Kung bukas ang isipan ng mga tao sa produktong panlibangan tulad ng alak na maaaring magkaroon ng mga side effect, bakit hindi sa mga produktong may benepisyong pangkalusugan at pang-ekonomiya tulad ng medikal na marijuana?
Ito ang tanong ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa patuloy na pagtutol ng ilang grupo sa pagsasalegal ng compassionate na paggamit ng medical cannabis (marijuana).
“Gaano pa po karaming pagkakataon ang ating palilipasin? Hanggang kailan pa po natin isasara ang ating pinto para sa medical cannabis samantalang bukas tayo sa iba pang nakapamiminsalang produktong panlibangan lamang?” aniya sa kanyang privilege speech.
Pinunto ni Padilla na maraming Pilipino – kabilang ang mga bata – ang nagtitiis sa epekto ng mga kondisyong medikal tulad ng seizure disorder at epilepsy at sa side effect ng synthetic na gamot para sa kanilang mga sakit.
Bukod dito, marami ring potensyal na benepisyong pang-ekonomiya ang dulot ng non-psychoactive na parte ng halamang species ng marijuana sa paggawa ng mga halos 25,000 na iba’t-ibang produkto tulad ng papel, pera, lubid, tela, at pati na ang biofuel, laundry detergent, automobile construction parts, beauty products, hemp protein powders, hemp milk, hemp coffee and milk, particle board biodegradable plastic, paint at insulation.
Maaari ring ma-convert ang hemp upang maging diamond at graphene – isa sa mga materyal na ginagamit sa iba’t-ibang industriya tulad ng electronics, bioengineering at energy.
“Kung magkakaroon lamang po ng pagkakataon ang mga ganitong uri ng teknolohiya dito, nasisiguro kong malaki ang magiging tulong nito sa ating pag-unlad bilang isang bansa,” giit ni Padilla.
“Kung susumahin po, wala tayong talo. Bagkus, napakadami nating makukuhang benepisyo,” dagdag niya.
Nguni’t hanggang ngayon, ayon sa senador, “hindi natin mapalawak ang paggamit ng hemp dahil sa ‘stigma’ – dahil lamang kasama ito sa pamilya o species ng marijuana.”
Sa kabilang dako, aniya, 88,000 ang naitalang bilang ng mga namatay na may kaugnayan sa consumption ng alkohol noong 2010, samantalang wala pa pong naitalang namatay dahil sa overdose sa marijuana.
“Bagamat ang alkohol ay itinuturing na isang public health problem, 40% pa rin po ng ating mga kababayang Pilipino ang umiinom ng alak sa bansa. Ang ating pang-araw araw na karanasan ang magpapatunay ng mga masamang dulot ng sobra-sobrang alak sa katawan ng isang tao. Sabi nga po ng National Council on Alcoholism and Drug Dependence Inc., malaki rin ang papel na ginagampanan ng alkohol sa komisyon ng mga krimen at ibang pang mga problema ng lipunan,” ani Padilla.
“Alam po natin na ang sakit sa kalingkingan ay ramdam ng buong katawan. Tulad po sa ating bansa, damang-dama natin ang hirap at pasakit ng ilan sa ating mga kababayan. Ngunit kung gaano po tayo hirap na hirap na magbukas ng ating pinto sa paghahanap ng ‘lunas,’ tila ganoon naman po kadali sa ating yakapin ang mga produktong nagdudulot ng mas kapahamakan sa taumbayan,” dagdag ng mambabatas.
Photo Credit: Senate of the Philippines website