Nagkasundo sina Senador Alan Peter Cayetano at Transportation Secretary Jaime Bautista na tulungan ang isa’t isa na mapabilis ang pamamahagi ng fuel subsidies sa libu-libong tricycle drivers sa buong bansa.
Pinag-usapan nina Cayetano at Bautista ang dilemma ng libu-libong tricycle driver na nabigong makuha ang kanilang bahagi ng P2.5 bilyon na inilaan ng gobyerno para sa naturang layunin.
Sa isang pahayag, sinabi ng mambabatas na napag-usapan nila ni Bautista kung paano mas mabilis na maipapatupad ang mga subsidyo upang makinabang ang sektor ng tricycle driver sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, inflation, at pandemya.
Ayon sa kanya, sumang-ayon si Bautista na ang pamamahagi ay maaaring hawakan ng mga local government unit (LGU), na may karanasan at kapasidad. Dagdag pa niya, may listahan ang mga LGU ng mga tricycle driver sa kani-kanilang lugar.
Noong confirmation hearing ni Bautista, ibinunyag ni Cayetano na 6,000 tricycle drivers pa lang ang nababahaginan ng subsidy. Malayo ito kung ikukumpara sa 600,000 tricycle drivers na idineklara ng Department of Interior and Local Government na karapat-dapat tumanggap ng pera.
Sinabi ni Bautista na ang mga pagkaantala ay dahil sa kawalan ng master list ng mga rehistradong tricycle driver sa ilang LGU, ngunit sinabi ni Cayetano na ang iba’t ibang tricycle operators and drivers associations sa bansa ay maaaring tawagan upang tumulong sa pamamahagi ng subsidy sa kani-kanilang miyembro.
Sinabi niya na ang mga organisasyong pang transportasyon na ito ay kabilang sa mga pinaka organisado at may listahan ng kani-kanilang mga miyembro.
Pinayuhan din ni Cayetano si Bautista na dalhin ang kanyang karanasan bilang executive ng pribadong sektor sa Department of Transportation upang makagawa ng mga pagbabagong makikinabang ang industriya ng transportasyon at ang sistema ng transportasyon ng bansa.
Photo Credit: Facebook/visor.ph