Inihain ni Senador Raffy Tulfo ang Senate Resolution No. 1043, na nananawagan ng imbestigasyon sa nakaaalarmang pagdagsa ng mga Chinese sa Multinational Village, Parañaque.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng patuloy na reklamo mula sa mga may-ari ng mga bahay sa nasabing village tungkol sa pagdami ng mga Chinese workers, na sinasabing nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sa kanilang komunidad mula noong 2019.
“Kamakailan ay sunod-sunod ang mga natatanggap ko na reklamo mula sa mga homeowner ng Multinational Village sa Parañaque City tungkol sa pagsakop ng mga Chinese national sa kanilang lugar. Nagmistulang Chinese territory na raw ang kanilang subdivision,” saad ni Tulfo.
Binigyang-diin niya na may duda rin ang mga residente na maaaring may mga POGO nang nag-ooperate sa loob ng kanilang village.
Ang isyu ay unang nakakuha ng atensyon ng Senado noong Marso 2020, nang ang Senate Blue Ribbon Committee ay nagpasimula ng inquiry sa pagdagsa ng mga Chinese sa bansa. Gayunpaman, ang pagsisiyasat ay natabunan ng pagsisimula ng COVID-19 pandemic.
Apat na taon mula noong una nang naisapubliko ang isyung ito, sinabi ni Tulfo na: “resident-homeowners of Multinational Village continue to live in fear for their security.”
Binanggit din ni Tulfo ang kamakailang insidente noong Mayo 2, 2024, kung saan inaresto ang sampung Chinese national sa Multinational Village dahil sa paglabag sa ilang batas, kabilang ang Anti-Trafficking in Persons Act (R.A. No. 9208), Alien Registration Act (R.A. No. 562), at Cybercrime Prevention Act (R.A. No. 10175).
Ipinunto rin niya ang mga ulat na ang ilang mga bahay na itinayo para sa mga solong pamilya ay mayroong aabot sa 40 POGO workers na nakatira, kaya lumalabag ito sa kategoryang R-1 ng Multinational Village, na nagsasabi na ang mga bahay doon ay dapat lamang para sa isang solong 10 pamilya.
Bilang tugon sa mga alalahaning ito, nakipag-ugnayan si Tulfo sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration. Sa huli, binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangan na suriin at posibleng amyendahan ang immigration laws ng bansa upang matugunan ang anumang mga umiiral na loopholes ng mga ito.
Photo credit: Facebook/senateph