Mariing itinanggi ng ilang senador ang balitang may planong kudeta laban kay Senate President Francis “Chiz” Escudero. Ayon sa kanila, puro “tsismis” lang ito at walang basehan.
Sinabi ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na wala siyang natatanggap na anumang resolusyon tungkol sa umano’y pagpapalit ng liderato.
“Wala ‘yun, rumors lang ‘yun. CHIZmis lang ‘yun kasi okay naman ang performance niya. Maraming natapos na trabaho sa Senado, kaya malabo ang ganitong tsismis ngayon,” aniya sa isang ambush interview.
Ganito rin ang sentimyento ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada. Aniya, mas mainam na manatili si Escudero bilang lider, lalo na kung umabot sa Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“Kung saka-sakaling umakyat ang impeachment dito sa atin, mas okay na si Chiz ang mag-preside dahil abogado siya,” saad ni Estrada.
Samantala, tahasang pinabulaanan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang balitang kasama siya sa umano’y 12 senador na pumapabor sa pagpapalit ng Senate President.
“Wala akong naririnig na ganyan. Honestly, okay naman ang leadership ni Chiz,” aniya.
Kasama rin sa mga pangalan sa tsismis ay si Sen. Cynthia Villar, na umano’y papalit kay Escudero bilang Senate President.
“Ako daw magse-Senate President? Tapos na ang Senado, manggugulo pa tayo?,” sagot niya.
Ang tsismis ay unang lumabas sa isang artikulo ng Pilipino Star Ngayon, kung saan sinasabing pinangungunahan ni Sen. Imee Marcos ang pagkolekta ng pirma para sa isang resolusyon na naglalayong palitan si Escudero.
Photo credit: Facebook/senateph