Malaking palaisipan pa sa publiko kung ano nga ba ang posisyong tatakbuhan ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa napapabalitang pagbabalik-politika niya sa susunod na taon.
Nagsimula ang mga ugong-ugong matapos ang mga nakakalitong post ni Moreno sa kanyang social media kung saan tila nagpapahiwatig siya ng pagbabalik-Maynila bilang mayor o pagsabak sa Senado bilang mambabatas.
Kamakailan lang ay ibinahagi ni Moreno sa Facebook ang resulta ng isang Pulse Asia survey kung saan pasok siya sa Magic 12 ng mga napipisil ng taumbayan na iboboto nila sa pagka-senador sa 2025.
“Bagamat galing tayo sa olats noong nakaraang halalan, hindi pa rin pala ninyo ako nakakalimutan at patuloy isinasama sa mga napupusuan ninyong kandidato para sa susunod na taon. Siguro time will tell kung kailan tayo magdedesisyon. Muli, maraming-maraming salamat. Mahal na mahal ko po kayo!” aniya.
Sa kabila nito, ibinahagi rin ni Moreno ang ilang video na nagpapakita ng pakikisalamuha niya sa mga Manileño, na hinihikayat naman siyang bumalik bilang mayor nila.
“I-steady lang muna ako sa gedli ninyo. I love you, mga Batang Maynila!” aniya.
Matatandaang nagbalik-showbiz si Moreno matapos mabigo sa presidential elections noong 2022.