Napapanahon na magtatag ang Pilipinas ng Comprehensive Water Resources Management Office (CWRMO) para matugunan ang matinding krisis sa tubig sa mga susunod na panahon, ayon kay Senador Lito Lapid.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. noong April 27, 2023 ang Executive Order (EO) No. 22 na lilikha sa CWRMO sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Environment and Natural Resources.
Layunin ng EO No. 22 na buuin at pag-isahin na lang ang mga hakbangin at regulatory functions ng mga ahensya ng pamahalaan para maging available at sustainable ang suplay ng tubig sa bansa.
“Pinagpapasalamat po natin ang mabilis na pag-aksyon ni Pang. Bongbong dahil sa napapanahon ito at kailangang-kailangan ang agarang solusyon sa kakapusan ng suplay ng tubig dulot ng nararanasang matinding tag-init at napipintong pagtama ng El Niño sa ating bansa,” ani Lapid sa isang pahayag.
Umaapela rin siya sa mga kapwa Senador na agarang ikalendaryo at ipasa ang kanyang panukalang batas para magkaroon ng permanenteng ahensya at programa na tutugon sa water crisis sa bansa
Noong July 11, 2022, inihain ng mambabatas ang Senate Bill No. 268 o panukalang pagbuo ng Water Resources Authority of the Philippines para makahanap ng solusyon sa krisis sa tubig dulot ng paglobo ng populasyon at patuloy na epekto ng climate change o pagbabago ng klima.
Sa ilalim pa ng panukala, magtatakda ng mga reglamento o regulasyon sa mga ahensya ng nasyunal at lokal na pamahalaan na may kinalaman sa water extraction at water distribution.