Nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11997 o ang “Kabalikat sa Pagtuturo” Act na naglalayong mabigyan ng allowance sa pagtuturo ang mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga guro ay tatanggap ng P5,000 para sa school year 2024-2025 na may karagdagang P10,000 pagkatapos ng academic school year para mabayaran ang mga gastusin sa mga teaching material, incidental cost, at iba’t ibang learning delivery methods.
Nagmula ang nasabing pondo ng “Kabalikat sa Pagtuturo” Act sa Department of Education (DepEd) budget at General Appropriations Act.
Batay sa IRR, ang teaching allowance ay iginagawad sa mga DepEd public school teacher bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng academic school year, gaya ng itinakda sa taunang pag-aanunsyo ng official school calendar alinsunod sa batas.
“Actually, as we speak, ibibigay na dapat yan. Even without the IRR pwede nang ibigay yun kasi nakalagay dun sa law na,” pahayag ni Angara.
Nakapaloob sa nasabing batas na maliban sa mga DepEd public school teacher, ang mga kwalipikadong tumanggap ng allowance ay kinabibilangan ng mga guidance counselor, librarian, at vocational instructor. Hindi kabilang dito ang mga walang teaching load at mga teaching personnel na nasa extended leave.
Hirit ng punong may-akda at sponsor ng nasabing batas sa Senado na si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., ang pag-apruba sa IRR ay maituturing na “culmination of the long process” tungo sa pagsasapinal ng naturang batas.
Dagdag pa niya, ang agarang pag-apruba ni Angara sa IRR ay nagsasaad umano ng kanyang “good and promising administration” bilang bagong DepEd chief.
Sinegundahahan naman ito ng ilang mga senador at ilang miyembro ng House of Representatives dahil nga sa agarang aksyon ni Angara sa paggawa ng IRR ng naturang batas matapos aprubahan ng Commission on Appointments sa Senado ang kanyang ad interim appointment.
Photo credit: Facebook/DepartmentOfEducation.PH