Nagpaabot ng pagbati si Bise Presidente Sara Duterte sa naging pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nakalipas na isang taong panunungkulan nito.
Sa social media, binigyang pugay niya si Marcos sa mga nagawa nito sa pamahalaan mula noong nakaraang eleksyon hanggang sa kasalukuyan.
“Makalipas ang isang taon, napatunayan ni Apo BBM ang determinasyon ng pamahalaan na tuparin ang mga naging pangako nito sa mga Pilipino noong eleksyon.”
Binigyang diin rin ni Duterte ang sipag at pagpupursigi ng pangulo sa pagpapatuloy nito sa mga pagbabago na nasimulan ng nakaraang administrasyon at pagpapakilala ng mga bagong programa at proyekto para mabigyang ginhawa ang buhay ng mga Pilipino.
Mula sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), nagpaabot ng pasasalamat si Duterte sa suporta ni Marcos sa mga programa nito para sa mga kabataan at kababayang Pilipino.
Ipinabatid din niya ang kanyang saya sa pagiging bahagi ng isang administrasyon na nakatuon sa pagpapalakas ng bansa, at nagpahayag ng panawagan para sa mga kababayan.
“Nananawagan ako sa lahat ng ating mga kababayan na suportahan ang administrasyon ni Pangulong Marcos upang maisakaturapan ang mga adhikain nito para sa ating lahat.”
Umaasa si Duterte na mas palakasin pa ang pagkakaisa at gamitin itong sandata upang malampasan ang mga darating na hamon sa bansa.
“Daghang salamat, Apo BBM,” pagtatapos niya.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial