Nakatakdang kasuhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan sa Pasay City dahil sa patuloy na operasyon ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanilang nasasakupan.
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, isiniwalat ni PAOCC director at spokesperson Winston Casio na ang southern Metro Manila, partikular na ang mga lungsod ng Pasay, Parañaque, at Makati, ang mga pangunahing kuta ng iligal na POGO sa bansa.
Serye Ng Raid Sa Pasay
Ayon kay Casio, sunod-sunod ang mga ginawang pagsalakay sa Pasay upang matigil ang operasyon ng mga POGO sa lungsod.
“The very first raid that we conducted was SA Rivendell, that was in P. Zamora; the second was Zun Yuan Technology that is in corner FB Harrison and William Street, also in Pasay. We also conducted a raid in Kimberhi Technology, that’s also in Pasay, that’s the 3D Analyzer POGO. We also conducted lately a raid inside Heritage Hotel in Pasay,” ani Casio.
Dahil dito, masusi ngayong iniimbestigahan ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng Pasay City LGU pagdating sa pagbibigay ng mayor’s permit, mga sertipikasyon ng Business Permit and Licensing Office (BPLO), at iba pang kaugnay na dokumento.
“We’re taking a look at the possible culpability, criminal liability of LGU officials, primarily those in the issuances of the mayor’s permit, the BPLO (Business Permit and Licensing Office) certificates, the business permit so to speak. So, we have not yet reached a conclusion, together with the Department of Justice and the DILG on how to proceed, but the case build-up is already ongoing. It’s there,” dagdag niya.
11,254 Iligal Na Dayuhang Pogo Workers, Nakalusot Pa Rin
Samantala, ibinulgar ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na tinatayang 11,254 na dayuhang POGO workers ang nananatili pa rin sa bansa, sa kabila ng kautusang umalis na sila matapos ang pagsasara ng industriya noong nakaraang taon.
Karamihan sa mga ito ay mga Vietnamese, Chinese, Indonesian, at Burmese.
“Ang nanatili dito sa Pilipinas ay 11,254. Lahat po nang hindi nag-comply dito sa requirement na ito ay isinama na po sa derogatory records po natin at humaharap po sa deportation charges. Upon deportation, subjects are included in our blacklist,” ayon kay Sandoval.
Sa tala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), nasa 33,863 na dayuhan ang nagtatrabaho sa mga rehistradong POGO at internet gaming licensees (IGLs). Sa bilang na ito, 22,609 pa lang ang tuluyang nakalabas ng bansa.
Huli Sa Malalaking Operasyon
Base sa datos ng BI, nasa 518 dayuhang POGO workers ang naaresto mula sa apat na major operations ngayong taon:
- Enero 8: 450 katao sa Parañaque
- Enero 15: 29 katao sa Silang, Cavite
- Enero 17: 33 katao sa Parañaque
- Pebrero 17: 6 katao sa Pasay City
Photo credit: Philippine Information Agency website