Mainit na tinanggap ni Senador Lito Lapid at ng iba pang mambabatas ang pagkahalal ni Senador Sonny Angara bilang bagong Department of Education (DepEd) secretary dahil anila ay marami ang maiaambag niya sa sektor ng edukasyon sa bansa. Ito ay matapos magbitiw si Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng nasabing ahensya.
“Napakalaki po ng hamon sa sektor ng edukasyon sa ating bansa at kailangan natin ng batikang lingkod bayan na katulad ni Sen. Sonny upang pangunahan ang ating Kagawaran at suportahan ang mga programa ng ating mahal na Pangulo,” sambit ni Lapid.
Dagdag pa ng senador, kaakibat ni Angara ang kanyang kampo upang mapalakas ang mga programa sa basic education sector para na rin sa ikabubuti ng mga guro at mag-aaral.
Ang nasabing pahayag ni Lapid ay sinundan din ng iba pang mambabatas na nagpakita ng kanilang suporta para kay Angara.
“Senator Angara possesses the credentials and experience of a true education champion owing to a number of legislative measures on education,” ani Agusan del Norte 2nd District Rep. Dale Corvera.
Ito rin ang naging pahayag ni Negros Occidental 3rd District Rep. Kiko Benitez ng sabihin niyang marami nang naging kontribusyon si Angara sa edukasyon ng bansa kaya mas alam niyang magagampanan nito ang pamumuno sa ahensya.
“We need someone who intimately knows the ins and outs of our education system, and understands it from a finance and management perspective. In this regard, Senator Angara is the right man for the job.”
Matatandaang hindi inatrasan ni Angara ang nominasyon sa kanya sa DepEd secretary. Kahapon, July 2 ay itinalaga na nga siya ni Pangulong Bongbong Marcos sa nasabing ahensya. Ayon kay Angara, nais niyang palawigin ang iba pang programa para sa ikabubuti ng edukasyon sa bansa.