Hinimok ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang mga member-agencies ng Development Budget Coordinating Council (DBCC) na unahin ang pagpopondo ng gobyerno sa mga programa para sa Overseas Filipino Workers (OFW).
Sa briefing ng DBCC sa Committee on Appropriations, itinulak niya ang sapat na budget para sa Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs, at Overseas Workers Welfare Administration.
Binigyang-diin ni Magsino ang kahalagahan ng mga OFW remittance sa pambansang ekonomiya.
Noong 2021, ang mga OFW ay nag-remit ng kabuuang 34.884 bilyong dolyar, na nagkakahalaga ng 8.9 porsyento ng gross domestic product ng bansa para sa taong iyon, na tumulong sa pagpapasigla sa ekonomiya sa panahon ng pandemya. Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na tumaas ng 3.6 porsyento ang remittances noong 2022.
“Data shows the economic importance of our OFWs as the sector is considered as one of the biggest sources of national income in the Philippines. In return, we must accord them the protection and care they deserve by channeling our budget into the socio-economic well-being of our OFWs. Kapakanan at karapatan ng ating OFWs. Iyan ang dapat alagaan at tiyakin ng ating pamahalaan sa pagtatalaga ng alokasyon ng pambansang kaban,” ayon kay Magsino.
Sa briefing, tinanong din niya ang DBCC hinggil sa macroeconomic impact ng remittances sa pamamahala ng inflation. Sagot ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balicasan na mas malala ang sitwasyon ng ekonomiya kung hindi dahil sa mga OFW remittance.
“Even our economic experts are in agreement that OFW remittances save the economy from going down the drain, thus as we discuss our priorities for the following fiscal year, let us prioritize the budget for the DMW, DFA, and OWWA so they may in turn give back to our OFWS,” dagdag ni Magsino.
Photo credit: Facebook/OWWAofficial