Ipinagkibit-balikat ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pasya ng International Criminal Court (ICC) na binasura ang apela ng Pilipinas at sa halip ay ipagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa pamamaslang noong kasagsagan ng war on drugs.
“Wala. Deadma lang. Hahaha. Wala lang. Hayaan mo lang sila anong gusto nilang gawin, hindi naman natin sila puwedeng diktahan, at the same time hindi nila tayo puwedeng diktahan… Wala akong pakialam sa kanila,” pahayag niya sa isang radio interview.
Ayon pa sa kaniya ay inaasahan niya na ang balitang ito hinggil sa pasya ng ICC.
“Hindi na ako na-surprise, at hindi ako concerned, hindi ako nababagabag. Alam ko naman na desidido sila na ituloy yan, eh di ituloy nila yung kanilang imbestigasyon,” saad ni Dela Rosa.
Binigyang katwiran niya rin ang ginawa nila noong kasagsagan ng war on drugs ay hindi pansarili o para sa pera, kundi para sa bansa at sa kabataan.
“Basta ginawa namin yung war on drugs hindi naman pang-sarili namin, hindi para yumaman kami, kundi para sa kapakanan ng mga sambayanang Pilipinas at kabataan,” paninindigan ng mambabatas.
Hinamon rin niya ang mga opisyal ng ICC na hulihin siya habang siya ay nasa Pilipinas kung saan sakop siya ng jurisdiction nito.
“Hanapin nyo ako, nasa Pilipinas [ako]. I am within the territorial jurisdiction of the Philippines.”
Sinabi rin ni Dela Rosa na kung hindi siya kayang protektahan ng administrasyong Marcos ay siya mismo ang po-protekta sa sarili niya.
Siniguro naman ni Senate President Migz Zubiri na walang dapat ipag-alala ang senador dahil protektado siya ng Senado.
“He will always be accorded the protection, unless he is proven guilty. Katulad ng ginawa natin kay Trillanes. I was majority leader at that time. Unless there is a warrant of arrest in a local court we cannot give him up, especially during session days. He is protected by the Senate,” aniya.
Photo credit: Facebook/senateph