Umaasang ang ilang mga senador at kongresista na hindi babaliwalain ng Department of Justice (DOJ) at iba pang sektor ang naging testimonya ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Senado, kung saan inako niya ang buong responsibilidad sa madugong kampanya kontra droga.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, lahat ng salitang binitiwan ng dating pangulo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ay “under oath” at maaaring magamit pabor o laban sa kanya.
“Ang pinagkaiba kahapon, lahat ng sinabi niya ay pinanumpaan. Ang bawat salita, kahit biro, ay maaaring tingnan ng mga abogado para suriin,” aniya. “Sana hindi matapos sa paglalahad sa komite. Sana ideretso nila sa pagsampa.”
Si Senador Risa Hontiveros naman ay umaasa na magpapatuloy ang DOJ at International Criminal Court (ICC) sa pagrereview ng mga naging pahayag ni Duterte, lalo na ang pag-amin nito sa paggamit ng “death squad” sa Davao City at mga direktiba sa kapulisan na hikayatin ang mga suspek na lumaban upang mauwi ang kanilang pag-aresto sa pagpatay.
“Problema ang droga at krimen, pero hindi pagpatay, lalo na ng inosente o walang kalaban-laban, ang solusyon diyan. No law degree or local position required, kahit ilang beses pang ipagpilitan ni Duterte na para daw yun sa kapakanan ng nakararami,” giit niya, na nanawagan din sa Office of the President na buksan ang lahat ng dokumento ukol sa drug war.
Sa Kamara, sinabi ni Manila Representative Bienvenido Abante Jr. na sapat na ang mga nakalap na testimonya para isampa ang mga kaso laban kay Duterte.
“The former president has acknowledged his role in the thousands of deaths that took place under his watch. This admission is significant as it highlights that cases are now ripe for filing against those responsible for the extrajudicial killings during the drug war,” aniya.
“Duterte has committed to take responsibility and face the consequences of this act as mandated by our laws. It is now up to the proper authorities to consider this statement carefully and ascertain the criminal liability of the responsible individuals whether under the concept of command responsibility or conspiracy,” dagdag pa ng mambabatas.
Tinukoy ni Abante ang Section 10 ng Republic Act 9851 na nagpaparusa sa mga lider na pumayag o walang ginawang aksyon sa mga krimen ng kanilang tauhan. Binanggit din niya na libo-libo ang napatay mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019, ayon sa ICC.
Nagpahayag din ang kongresista ng matinding determinasyon na ituloy ang laban para sa hustisya sa mga biktima ng drug war. Ayon sa kanya, walang makakapigil sa Kamara sa hangarin nitong panagutin ang mga may sala sa pagkawala ng mga inosenteng buhay at sa pagkawasak ng mga pamilya.
Photo credit: Facebook/senateph, Facebook/HouseofRepsPH