Maaaring masampahan ng kasong plunder si Vice President Sara Duterte at ilan pang mga dating opisyal ng Department of Education (DepEd) kung hindi nila maipapaliwanag ang paggamit ng P112.5 million na confidential funds ng ahensya nong 2023.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., hindi immune sa kaso ang bise presidente, kaya kailangang magpaliwanag ang bise ukol sa kwestyonableng paggamit ng pondo ng ahensya noong siya pa ang kalihim nito.Â
Binanggit ni Gonzales na maaaring magmungkahi ang komite ng House of Representatives on good government and public accountability, na pinamumunuan ni Manila Representative Joel Chua na sampahan ng kasong plunder si Duterte at ilang opisyal ng DepEd dahil sa kontrobersya na ito.Â
Ang nasabing kwestyonableng pondo ay bahagi ng P150 million na budget na ibinigay sa departamento noong 2023. Nakaalaan ang budget na ito para sa mga programang kontra krimen sa mga paaralan, anti-extremism, at counterinsurgency.
Subalit, lumabas sa pagdinig noong Oktubre 17 na ang P112.5 milyon ay na-withdraw gamit ang tatlong magkakahiwalay na tseke na may halagang P37.5 milyon bawat isa at in-encash ng DepEd special disbursing officer na si Edward Fajarda. Ayon sa records, ang mga voucher ng mga tseke ay may label na “Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE)” at hindi bilang confidential funds.
Kinumpirma rin ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na si Fajarda ang nag-encash ng mga tseke. Si Fajarda din, dagdag pa niya, ang responsable sa transportation ng pondo. Bagaman ipinatawag ng komite, hindi pa humarap si Fajarda sa hearing. Wala ring sagot pa si Duterte sa mga alegasyon.
Saad ni Gonzales, ang nasabing pondo ay pera ng taumbayan at kailangang tiyakin na nagamit nang tama. Dagdag pa niya kung hindi maipapaliwanag ng pangalawang pangulo ang paggamit ng pondo ay may responsibilidad sila na magsampa ng kaso gaya ng plunder para sa kapakanan ng publiko.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH