Kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na idaraos ang special registration ng mga botanteng tinatawag na PDL o Persons Deprived of Liberty ngayong Lunes, Agosto 12 sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Mahigit-kumulang 2,431 PDLs ang pinapayagang lumahok sa nasabing special registration ng Commission on Elections (Comelec) alinsunod ng Resolution No. 9371 dahil nasa apela pa ang kanilang mga kaso.
“Even if they are behind bars, unless convicted with finality, their constitutional right to suffrage must be upheld,” paglilinaw ni Catapang.
Dagdag pa niya, mayroon ng 500 PDL mula sa NBP ang inilipat sa San Ramon Prison at Penal Farm noong Linggo ng gabi, Agosto 11.
Sa nasabing bilang, 200 ay mula sa maximum-security compound, 200 mula sa medium security compound at 100 mula sa Reception and Diagnostic Center.
Sa isang hiwalay na pahayag, kinumpirma rin ng BuCor chief na may mangilan-ngilan na ring PDLs ang inilipat bilang bahagi ng decongestion program ng NBP.
“Since January of this year, we have already transferred 5,770 PDLs from NBP to various operating prisons and penal farms as part of our decongestion program and preparation for the closure of NBP by 2028.”
Nabanggit din niya na nakalagay na ang security arrangement para sa espesyal na pagpaparehistro para sa mga PDLs.
Ayon sa nasabing resolusyon, ang mga PDL na karapat-dapat para sa tinatawag na detainee voting ay ang mga sumusunod: ang mga nakakulong o ang mga pormal na kinasuhan para sa anumang krimen o sumasailalim sa paglilitis; naghihintay ng sentensya ng pagkakulong nang wala pang isang taon; o kung saan ang paghatol sa isang krimen na kinasasangkutan laban sa pamahalaan tulad ng rebelyon, sedisyon, paglabag sa mga batas ng baril o ang paglabag sa mga batas tungkol sa firearms law o anumang krimen laban sa pambansang seguridad o para sa anumang iba pang uri ng krimeng nasa apela.
Photo credit: Facebook/piobucorofficial