Nakatikim ng taray ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Pampanga Fourth District Representative Anna York Bondoc dahil sa planong paglalagay ng water impounding facility sa bayan ng Candaba upang maiwasan ang pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX).
Trending ngayon sa social media ang naging sagutan nila sa gitna ng briefing para sa nasabing plano na tutugon sa paulit-ulit na pagbaha sa Pampanga.
Isa sa mga inanunsyo sa briefing ay ang pagsang-ayon ni Marcos sa pagpapataas ng isang bahagi ng NLEX upang mabawasan ang mga pagbaha sa panahon ng bagyo at malakas na pag-ulan. Gayunpaman, umusbong ang tensyon nang banggitin ang plano ng pag-impound ng tubig sa Candaba Swamp upang makontrol ang pagbaha.
Mariing tinutulan ni Bondoc ang ideya ng paggamit sa Candaba Swamp bilang isang impounding facility, at binanggit ang kahalagahan nito at ang potensyal na banta sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Aniya, “Hindi po kami papayag sa impounding po sa Candaba swamp. That is a wrong concept and we are not going to allow that. Diyan po sa Candaba, diyan po ang-umpisa ang Hukbalahap Movement. If you want a security problem, sirain nyo po ang hanapbuhay ng lahat ng mga magsasaka sa Candaba, magwo-walkout po kami dito!”
Bilang tugon, ipinaliwanag ni Marcos na ang pagbaha ay resulta ng malakas na pag-ulan, at kinuwestiyon niya ang kawalan ng mga alternatibong solusyon ng oposisyon.
“That is not something that we are doing intentionally, it is something that has happened because napakalakas ng ulan. Napakalakas ng ulan kaya bumaba ang tubig. Instead of arguing about it, what do you suggest? What is your objection to the plan?” tanong niya sa kongresista.
Para kay Bondoc, dapat ipagpatuloy na dredging at flood control plans para sa Bulacan Airport, ngunit ni-reject naman ito ni Marcos, at binibigyang-diin ang inefficiency at mataas na halaga ng pansamantalang dredging solutions.
“I have supervised all these dredging projects all around the country, they are temporary and exceedingly expensive. The siltation does not come from the scope, its upriver, dahil nakakalbo na ang mga bundok natin. That’s the problem. You cannot continue to dredge,” aniya.
Ipinagtanggol pa ng Pangulo ang ideya na gamitin ang Candaba swamp bilang impounding facility, at sinabing na ito ay magbibigay ng pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha.
“Now, the Candaba Swamp is not being proposed to be used for one thing or another except as an impounding to keep the water up here na hindi bumababa. Hindi naman sisirain ang hanapbuhay doon. Eh swamp na nga, dadagdagan lang ng tubig. I know you feel strongly about it but I don’t quite understand why,” aniya.
Binigyang-diin ni Bondoc ang kahalagahan ng Candaba swamp para sa food security at ang papel nito bilang nag-iisang rice-producing area sa ika-apat na distrito ng Pampanga. Nagpahayag siya ng pagkabahala na ang pag-impound ng tubig ay makakaapekto sa produksyon ng agrikultura at madaragdagan ang pag-import ng bigas.
Photo credit: Facebook/DrAnnaYorkBondoc