Patuloy ang iringan sa pagitan ng mga lungsod ng Makati at Taguig matapos magpahayag ng pagkadismaya ang kampo ni Mayor Abby Binay sa diumano’y pagtanggi ng liderato ni Mayor Lani Cayetano sa mga proposed agreements tungkol sa paglilipat ng mga public health facilities at data sharing sa mga barangay na apektado ng desisyon ng Korte Suprema kamakailan.
Sa isang pahayag, ibinunyag ni Makati City Administrator Claro Certeza na sa kabila ng kanilang pagsisikap na makipagtulungan, tahasan ang pagtanggi ng Taguig City sa mga nasabing proposal.
“We have initiated a series of correspondence and MOA proposals to the City of Taguig aimed to facilitate the smooth transfer of Makati-owned health facilities to its jurisdiction. However, these have been rejected outright, without valid reason,” aniya sa isang press release. “Unfortunately, Taguig seems adamant about taking over our hospital and health centers without acknowledging our ownership rights.”
Isa sa mga pangunahing proposal na ginawa ng Makati City ay isang memorandum of agreement (MOA) tungkol sa paglalagay ng credit line sa Ospital ng Makati (OsMak) upang matiyak na ang mga apektadong residente ay maaaring patuloy na ma-access ang mahahalagang healthcare service nang walang agarang paunang pagbabayad. Gayunpaman, ayon kay Certeza, tinanggihan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang alok na ito.
Dagdag niya, bukod pa sa credit line, inalok din ng Makati City ang Taguig ng opsyon na paupahan o bilhin ang lupa at pagpapaganda ng walong health center. Ang alok na ito ay tinanggihan din ng Taguig.
Higit pa rito, iminungkahi ng Makati City ang isang data-sharing agreement na naglalayong pangalagaan ang privacy at sensitibong impormasyon ng mga dati at kasalukuyang pasyente ng walong health center. Gayunpaman, tinanggihan din umano ng Taguig ang panukalang ito.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Certeza at sinabing, “Makati is going out of its way to work out a smooth transition with Taguig, but it is apparently hell-bent on taking over and gaining control of city-owned public facilities without due process. It persists in unduly invoking the Supreme Court decision while refusing to obtain a writ of execution from the court of origin.”
Ang alitan sa teritoryo na ito ay nagsimula noong 2021 dahil sa desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa ilang lugar sa Makati, kabilang ang Fort Bonifacio Military Reservation at 10 barangay, bilang bahagi ng teritoryo ng Taguig City.
Taguig Rumesbak
Bilang tugon sa mga akusasyon ng Makati City, naglabas ng pahayag ang Taguig City at sinabing ang mga iminungkahing MOA ay walang basehan. Sinabi ng Taguig na lumabag ang Makati sa kanilang naunang kasunduan sa Department of Health na hindi dapat igiit ang pagmamay-ari nito sa panahon ng transition discussions.
Ayon dito, ipinaliwanag na ni Mayor Cayetano na si Health Secretary Teodoro Herbosa ang siyang mangunguna sa anumang talakayan tungkol sa (OsMak).
Kinuwestiyon pa Taguig ang intensyon ng Makati sa mga negosasyon at inakusahan ang lungsod na binabalewala ang kapakanan ng kanilang mga dating residente. Wala umanong balak ang Makati na makipag-negosasyon maliban na lang kung pumayag ang Taguig sa kanilang walang basehang ownership claim.
Nanindigan ang Taguig na mayroon silang mas malakas na legal claim at ipinunto na ang Makati ay hindi nagbigay ng sapat na ebidensya upang suportahan ang kanilang claim.
“And what Makati owes Taguig (in internal revenue allotment/national tax allotment, Special Education Fund, real property, business, and other local taxes Makati illegally exacted or received for decades, not to mention the compensation Makati owes Taguig for unlawfully depriving Taguig of the use and enjoyment of its land), is far greater than what Makati hopes to receive from Taguig,” pagdidiin pa nito.
Sa kabila ng umano’y pagtatangka ng Makati na ipagpaliban ang pagpapatupad ng desisyon ng Korte Suprema, binigyang-diin ng Taguig ang pangunahing alalahanin nito: ang walang patid na paghahatid ng mga serbisyo sa mga bagong residente nito sa mga apektadong barangay.
Photo credit: Facebook/OspitalngMakatiOsmak