Hindi magpapatakot ang House of Representatives sa mga taong gustong ipatigil ang imbestigasyon nito ukol sa umano’y extra judicial killings (EJKs) na may kinalaman sa war on drugs noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ani House Speaker Martin Romualdez sila ay nasa “right side of history” at ipagpapatuloy ang kanilang hearing upang malaman ang buong katotohanan sa mga kaso ng EJK at illegal na Philippine offshore gaming operators.
“Sa mga nagtatangkang pigilan tayo sa paghahanap ng katotohanan at katarungan, hindi kayo magtatagumpay sa masamang hangarin ninyo,” banta niya.
Ayon sa mambabatas, hindi magpapadala ang Kamara sa mga pananakot o pag-aakusa at, bagkus, ay magpapatuloy sa kanilang layunin para sa katarungan at integridad.
“We will not be swayed by the attacks hurled against us. Instead, we will press on with even greater resolve, knowing that the people are behind us, that history will remember our courage, and that our efforts are guided by the principles of justice and integrity,” aniya.
Sinabi rin ng House Speaker na naging target ang House quad committee ng mga taong ayaw lumabas ang katotohanan. “They attempt to undermine our work, casting aspersions and spreading false narratives to discredit our pursuit of accountability,” aniya.
“The forces of darkness will not relent easily. They will use every means at their disposal to obscure the truth, sow doubt, and weaken our resolve. But as long as we hold fast to our principles and remain united in purpose, we will prevail,” dagdag pa ni Romualdez.
Upang punan ang mga kakulangan sa batas, isinulong ng mga House leaders ang House Bill No. 10986 o ang Anti-Extrajudicial Killing Act, na naglalayong gawing heinous crime ang EJK, at ang House Bill No. 10987 o ang Anti-Offshore Gaming Operations Act na nagbabawal sa lahat ng uri ng offshore gaming.
Ipinagmalaki rin ni Romualdez ang pagsumite ng mga dokumento sa Office of the Solicitor General para sa pagsisiyasat sa mga dayuhang negosyanteng ilegal na nakakuha ng Filipino citizenship upang magmay-ari ng lupa at mag-operate sa bansa. Sinabi niya na ang kanilang report ay may rekomendasyong ipatupad ang civil forfeiture laban sa mga Chinese nationals na sangkot dito.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH