Hindi tutulungan pero hindi rin pipigilan ng Marcos administration ang anumang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa isyu ng umano’y ilegal na drug campaign ng nakaraang administrasyon – maliban na lang kung si ex-president Rodrigo Duterte mismo ang magpapasya.
Ito ay ayon mismo kay Pangulong Bongbong Marcos, na ibinunyag na ang desisyon ukol sa ICC probe ay nakasalalay sa dating pangulo. “Well, as the comment of the Executive Secretary, the former Chief Justice, if ‘yun ang gugustuhin ni PRRD ay hindi naman kami haharang doon sa mga ICC. Hindi lang kami tutulong. Ngunit kung pumapayag siya na makipag-usap siya o magpa-imbestiga siya sa ICC ay nasa kanya ‘yun. Wala na kaming desisyon doon,” aniya.
Sinabi rin niya na ang Department of the Interior and Local Government at ang Philippine National Police ay nagsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon tungkol sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Marcos, ang mga pag-aaral ng Department of Justice (DOJ) ay magbibigay linaw din sa mga hindi pa nasasagot na katanungan tungkol sa mga aksyon ng nakaraang administrasyon.
Ang DOJ daw ang magpapatuloy sa pagsusuri ng mga testimonya at posibleng magsampa ng kaso batay sa mga natuklasan. Pero dagdag ng Pangulo, “Now, if that will result in a case being filed here in the Philippines, we will just have to see.”
Sa kabila ng mga pressure mula sa international community, mariing din niyang ipinagdiinan na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC ngunit susunod ito sa mga obligasyon nito sa Interpol.
Photo credit: Presidential Communications Office website