Hindi pinalagpas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matitinding akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may “blank checks” umano sa panukalang 2025 national budget.
Sa isang media interview sa Bonifacio Global City kasabay ng paglulunsad ng Tesla Center Philippines, mariing itinanggi ni Marcos ang mga paratang ni Duterte na may mga “blank items” o walang nakasaad na proyekto o pondo sa General Appropriations Act (GAA) ng 2025.
“He’s lying. He’s a President. He knows that you cannot pass a GAA with a blank. He’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen,” ani Marcos.
Pinunto ng Pangulo na ang bawat item sa budget ay dumadaan sa masusing pagsusuri at kinakailangang malinaw na nakasaad ang detalye ng proyekto at ang alokasyon nito.
“Sa buong, sa kasaysayan ng buong Pilipinas, hindi pinapayagan na magkaroon ng item ang GAA na hindi nakalagay kung ano ‘yung project, at saka ano ‘yung, ‘yung gastos, ano ‘yung pondo,” dagdag pa niya.
Hinimok din ni Marcos ang publiko na i-verify ang opisyal na 2025 budget na makikita sa website ng Department of Budget and Management (DBM).
Duterte: Blank Check Para Sa Korapsyon?
Sa isang podcast video na inilabas sa YouTube channel ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, binanatan ni dating Pangulong Duterte ang umano’y mga “blank entries” sa budget, partikular na sa pondo para sa National Irrigation Administration (NIA) at Philippine Coconut Authority (PCA).
Ang mga blank items ay parang blank check na puwedeng gamitin ng mga pulitiko para sa pansarili nilang interes, ani Duterte.
Nagbabala rin siya na ang ganitong sistema ay maaaring magbunsod ng kaguluhan, sabay dagdag na hindi papayag ang militar at pulisya na ito ay magpatuloy.
“Nakikiusap ako sa mga ul*l na ‘to Kung sino man gumagawa ng ganun pwede bang sabihin ko sa inyo na do not f*** the people of the Philippines. Makagulo tayo.Huwag nyo kami isahin, buhay pa ako,” ani Duterte na tila nagbabanta pa ng posibleng pagkilos mula sa hanay ng mga sundalo.
Malacañang: Kasinungalingan Ang Mga Paratang
Mariin ding itinanggi ng Malacañang ang mga paratang at iginiit na ang 2025 budget na may 4,057 na pahina ay dumaan sa masusing pagsusuri ng Kongreso at mga propesyunal ng DBM.
Photo credit: Facebook/pcogovph, Facebook/officialpdplabanph