Ibinunyag ni Colonel Jovie Espenido sa harap ng Quad Committee ng Kamara na si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang nag-utos na ipitin si dating senador Leila de Lima sa usapin ng ilegal na droga. Kinumpirma ni Espenido ang testimonya ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na parehong inutusan sila ni dela Rosa para siguruhin ang magkakaparehong pahayag laban kay de Lima.
Sa pagtatanong ni Batangas Representative Gerville Luistro, sinabi ni Espenido na magkasabwat sila ni Espinosa upang palakasin ang mga alegasyon laban sa dating mambabatas noong 2016. Ngayon, pareho na silang umatras sa kanilang mga naunang paratang.
Sa kanyang testimonya, binanggit ni de Lima ang “Davao model” na ginamit umano ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na hango mula sa Davao Death Squad (DDS) — isang grupong kilala sa extrajudicial killings na pinamunuan ni Duterte bilang alkalde ng Davao. Ayon kay sa dating senador, nagsimula ang DDS mula 1988 kung saan binabayaran ang mga hitmen ng P15,000 bawat pagpatay.
Muling nabuhay ang DDS mula 2001 hanggang 2016 at naging mas organisado bilang Heinous Crimes Investigation Section sa ilalim ng Davao City Police Office, ayon sa kanya. Nang maging pangulo si Duterte, dinala umano niya ang “Davao Model” sa buong bansa, kasama ang mga pingakakatiwalaang opisyal, gaya ni dela Rosa.
Sinabi ni de Lima na marami sa mga ebidensya ng Commission on Human Rights laban sa DDS ay kinumpirma ng mga dating miyembro nito, sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas. Si Lascañas pa nga ay nagsumite ng affidavit sa International Criminal Court, kung saan tinukoy niya ang dating pangulo bilang “Superman,” ang lider ng DDS.
Naniniwala si de Lima na maaaring kasuhan si Duterte ng “crimes against humanity” sa ilalim ng Republic Act 9851, na nagpaparusa sa malawakang pagpatay at tortyur na bahagi ng war on drugs.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH