Walang patumpik-tumpik na nag-alok ng tumataginting na P20 milyong pabuya ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa kung sinumang makakatukoy sa nag-donate umano ng P10 milyong pabuya sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang tugusin ang puganteng pastor na si Apollo Quiboloy.
Kasalukuyang nahaharap ang tinaguriang “Appointed Son of God” sa patong-patong na kaso kabilang ang lima pang kapwa n’ya akusado ng child abuse and exploitation at qualified trafficking na sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Cemañes, at Jackilyn Roy.
Matatandang noong Hulyo 8 naging puspusan ang simula ng manhunt operations ng DILG sa pangunguna ni Secretary Benhur Abalos matapos ianunsyo na magbibigay ng P10-milyong pabuya para sa makakapagturo sa kinaroroonan ng KOJC founder.
Sa nangyaring press conference, ibinunyag niya na may nagpaunlak sa kanilang ahensya ng pondo upang maging pabuya sa kung sinuman ang makakapagturo sa pastor.
“Gusto ko ho ianunsyo sa mga nanonood at nakikinig na meron tayong mga kaibigan na gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nagooffer ng reward ng 10 million pesos for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy,” pahayag ni Abalos.
Dagdag pa niya, magbibigay din ang DILG ng pabuyang P1 million each sa kung sinuman ang makakapagsabi kung nasaan ang iba pang akusado sa kasong may kaugnayan sa KOJC founder.
Dahil dito, napagdesisyunan ng mga opisyal ng KOJC ang nasabing alok na P20M reward money kasunod ng unknown donor ng DILG.
Kinumpirma ito sa isang panayam ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon sa “Story Outlook” ng TeleRadyo Serbisyo nitong Linggo, Agosto 4.
Giniit din ni Torren sa nasabing panayam na labag sa batas para kay Abalos na tanggapin ang pera sa donor alinsunod sa Republic Act (RA) 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Nakasaad umano sa Section 7D ng RA 6713 na nagsasabing “public officials and employees shall not solicit or accept, directly or indirectly, any gift, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value from any person in the course of their official duties.”
Nang tanungin kung saan nanggaling ang P20 milyong alok na pabuya ng KOJC, ipinaliwanag ng legal counsel ni Quiboloy na nagtulong-tulong umano ang humigit-kumulang na 7 milyong miyembro ng “Kingdom Nation” sa buong mundo upang malikom ang naturang halaga.
Maaalala ring inisyuhan ng arrest warrant ang naturang religious leader ngunit naging mailap pa rin ang nasabing KOJC founder.
“Ako ay nananawagan kay Pastor: Let’s end this. Kung ikaw ay naaawa sa mga follower mo, alang-alang sa sarili mo, sumurrender ka na,” pahayag ni Abalos.
Nagbabala rin si Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil na maaaring maharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1829 o Obstruction of Justice and sinumang nagtatago o may kinalaman sa kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy.
Photo credit: Facebook/kjc.org