Pinuri ni Senadora Grace Poe ang bagong pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ni Secretary Vince Dizon matapos nitong pakinggan ang matagal nang panawagan para sa pagsusuri ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Mahigit pitong taon na natin hinihiling sa DOTr na ayusin muna ang programa bago magtakda ng ano pa mang deadline,” mariing pahayag ni Poe.
Ayon sa senadora, ilang taon nang bigo ang DOTr sa pagbibigay ng kongkretong solusyon sa mga problema ng programa, kaya’t kinailangan pang magpasa ng resolusyon ang Senado upang tutulan ang phaseout ng mga tradisyunal na jeep. Bukod dito, inihain din niya ang Senate Bill No. 105 noong 2019 upang siguruhing magiging “just and humane” ang PUV modernization, kasama ang transitory assistance para sa mga operator, driver, at iba pang apektadong sektor.
Mga Butas Ng PUVMP:
- Kakulangan ng route plans
- Napakamahal ng bagong units
- Banyagang disenyo
- Kawalan ng sapat na subsidiya para sa mga tsuper
- Mababang utilization rate na 53% mula sa P7.5 billion budget (2018-2024)
Ngayong 2025, may panibagong P1.6 bilyong pondo ang programa. Para kay Poe, kailangang matiyak na magagamit ito nang maayos upang resolbahin ang mga butas sa PUVMP at matiyak ang makataong modernisasyon.
“Proper modernization requires planning and consultation with its stakeholders. Ito na ang panahon para pakinggan ng DOTr ang hinaing ng mga tsuper at mananakay at ayusin ang daan para sa makataong modernisasyon ng ating transport sector,” giit niya.
Photo credit: Philippine News Agency