Parehong sumailalim sa hair follicle drug tests noong Miyerkules sina reelectionist Davao City Representative Paolo Duterte at kalaban niyang si PBA Party-list Rep. Margarita Nograles matapos ang hamon ni Vice President Sara Duterte na magpa-drug test ang mga kakandidato sa 2025 elections lalo na ang mga taong nagbansag sa kanya na “mentally unstable.”
Ang hair follicle drug test ay kilalang pinaka-accurate na confirmatory test na makakapagpakita ng drug use o paggamit ng mga prescription medications sa nakaraang tatlong buwan. Kinukuha ang sample ng buhok at susuriin sa laboratoryo upang makita kung may bakas ng cannabis o amphetamines.
Matapos ang hamon ng Bise Presidente ay sumunod naman ang kapatid niyang si Paolo, na ipinakita sa media ang kanyang drug test noong Agosto. Pero hinamon siya ni Nograles na magpa-test ulit, kaya noong Miyerkules, parehong nagpa-drug test ang dalawa.
Nagpa-drug test si Duterte sa isang diagnostic lab sa Mandaluyong City dahil hindi siya kaagad makakauwi sa Davao para tanggapin ang hamon ni Nograles.
Ayon kay Nograles, “At the end of the day, this is for accountability, transparency.” Si Paolo naman, ay nagsabi na ginagawa niya ito para patunayan na wala siyang kinalaman sa droga, lalo na’t dati na siyang inakusahan ng pagkakasangkot sa shabu shipment noong 2018.
Si Nograles, isang abogado, ay anak ng yumaong speaker Prospero Nograles. Ang kapatid niyang si Karlo Nograles ay makakalaban naman ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-alkalde sa Davao City.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph, House of Representatives website