Nadagdagan pa ang bilang ng mga senador na humaharang sa pag-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) leader Apollo Quiboloy, ayon kay Senador Robin Padilla.
Sa isang press conference na livestreamed sa Senate Facebook page, inihayag niya ang mga pangunahing kaalyado sa kanyang kampanya para baligtarin ang desisyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Matatandaang nagdesisyon ang committee chair na si Sen. Risa Hontiveros, na i-cite for contempt si Quiboloy at hilingin sa Senate President na pahintulutan siyang arestuhin dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig pasa sa mga umano’y pang-aabuso sa loob ng religious community ni Quiboloy.
Sinabi ni Padilla na kabilang sa mga tumututol sa contempt order ay sina Sen. Bong Go, Cynthia Villar, Imee Marcos, at JV Ejercito. Gayunpaman, hindi umaayon sina Sen. Grace Poe at Raffy Tulfo sa paninindigan ni Padilla.
“Binibigyan natin sila ng pagkakataon magpaliwanag. Katulad ni Sen. Poe, napakaganda ng kanyang paliwanag kung bakit hindi siya pipirma. Ganon din si Senator Raffy Tulfo, demokrasya ito eh. Hindi natin kailangan personal ang mga bagay na ganito,” aniya.
Ipinahayag pa ni Padilla ang kanyang determinasyon na hikayatin ang iba pang mga senador kagaya nina Pia Cayetano at Mark Villar bago ang March 12 deadline.
Photo credit: Facebook/senateph