Kinumpirma ni Teddy Casiño, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na kasalukuyang nagda-draft ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang progresibong grupo.
Sa isang press briefing para sa national convention ng Bayan Muna, sinabi ni Casiño na inaasahang isusumite nila ang reklamo sa Kamara pagbalik ng sesyon sa Nobyembre.
Ayon kay Casiño, inaaral na ng iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng Bayan ang impeachment complaint. Maari rin daw na may iba pang grupo na maghahain ng hiwalay na reklamo.
“Ang natitira lang na options kay Sara Duterte ay magbitiw o harapin ang impeachment complaint,” dagdag niya.
Si Neri Colmenares, chair ng Bayan Muna, ay nagsabing susuportahan nila ang anumang hakbang na maglalayong panagutin si Duterte, lalo na kaugnay ng “Betrayal of Public Trust.”
Bagama’t ilang mambabatas ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa hindi pagdalo ni Duterte sa mga budget hearing, mariin nilang itinanggi na may mga plano para sa impeachment.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH