Muling naging usap-usapan ang kontrobersyal na war on drugs ng dating administrasyon matapos irekomenda ng House of Representatives Quad Committee (quadcom) ang pagsasampa ng kasong crimes against humanity laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte, Senador Christopher “Bong” Go, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, at iba pang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, chairperson ng quadcom, ang rekomendasyon ay nakabatay sa 43-pahinang progress report na bunga ng 13 public hearings ng komite. Ang mga kaso ay ihahain sa ilalim ng Republic Act 9851, na tumutukoy sa Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.
Sa naturang ulat, inihayag na kinumpirma ni Duterte noong Nobyembre 13 ang pagkakaroon ng “reward system” para sa mga pulis na nakibahagi sa mga extrajudicial killings (EJKs). Ayon sa ulat, ang pondo para sa mga gantimpala ay nagmula umano sa natirang campaign funds, bagay na labag sa mga alituntunin ng Commission on Elections.
Dagdag pa rito, isiniwalat ni dating PNP officer Royina Garma ang tungkol sa “Davao Model,” na umano’y nagbigay ng gantimpala sa mga pulis na nakilahok sa EJKs.
Sino-sino ang Kabilang sa Kaso?
Bukod kay Duterte, nais ding sampahan ng kaso sina:
- Dating PNP chiefs Oscar Albayalde at Debold Sinas
- Police Colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo
- Palace aide Herminia “Muking” Espino
- Rep. Paolo “Pulong” Duterte
- Manases “Mans” Carpio, manugang ng dating pangulo, na umano’y sangkot sa drug smuggling operations
Mga Panukala ng Quadcom
Kasabay ng pagsasampa ng kaso, nagmungkahi ang Quadcom ng mga panukalang batas:
- Pagpapaklasipika ng EJK bilang heinous crime
- Pagbabawal ng lahat ng uri ng Philippine offshore gaming operators (POGOs)
- Civil forfeiture ng mga ill-gotten properties ng foreign nationals
- Administrative cancellation ng mga pekeng birth certificates
- Revival ng death penalty
- Pagbuo ng isang independent inter-agency body para imbestigahan ang EJKs
Ayon pa sa ulat, iniugnay din ng quadcom ang illegal POGOs sa mga krimen gaya ng money laundering, drug smuggling, at iba pa. Dawit umano rito ang Chinese drug lords tulad ni Willie Ong at ang kanyang kumpanya na Empire 999 Realty Corporation.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH