Nagsanib-puwersa ang Department of Education (DepEd) at ang Private Sector Advisory Council (PSAC) upang palakasin ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglutas ng problema kaugnay sa employment at skills mismatch.
Nilagdaan ang Enhanced Work Immersion Program para sa mga senior high school students ngayong akademikong taon na naglalayong magpapalakas sa employability rate. Pinasinayaan ang nasabing memorandum of agreement (MOA) ng DepEd at PSAC Jobs Committee sa pamamagitan ng Private Sector Jobs and Skills Corp..
Ang naturang MOA signing ay kinatigan mismo ni Marcos noong Huwebes, Agosto 8 sa Malacañan Palace.
Ayon sa opiysal na pahayag ng PSAC sa isang news release, nilalayon ng inisyatiba na tuluyang isara ang agwat sa pagitan ng theoretical education at praktikal na karanasan sa industriya at gawing mas kaakit-akit ang mga mag-aaral sa mga potensyal na employer.
Nagpahayag ng suporta ang bagong Education secretary na si Sonny Angara kaugnay ng nasabing programa.
“This MOA gives our students the opportunity to gain hands-on work experience while still studying. In that way, it follows the President’s marching orders to us to do everything we can to improve the quality of our education and boost the chances of our graduates at landing better earning opportunities,” aniya.
Nakatakdang lumahok sa nasabing pilot program ang sampung paaralan sa buong bansa, kabilang ang isang dalubhasa sa alternative learning system.
Ang mga kalahok na paaralan ng Enhanced Work Immersion Program ay maaaring pumili ng mga paksa’t kurso tulad ng Information Technology and Business Process Management, tourism and hospitality, agriculture and entrepreneurship, at manufacturing. Ang mga nasabing sektor na ito ay kilala sa kanilang mataas na pangangailangan para sa mga manggagawa at masaganang oportunidad sa trabaho.
Nakapaloob din sa nasabing kasunduan ang enhanced work immersion experience para sa mga senior high students, curriculum alignment na magbibigay-daan sa mas maraming oras para sa mga estudyante na matuto kaugnay ng current industry standards, pagsasanay ng mga guro upang mabisang magabayan ang mga mag-aaral at iba’t-ibang job fairs sa buong bansa.
Kabilang sa mga unang industriya na sumali sa nasabing programa ay ang Semiconductors and Electronics Industries in the Philippines, IT Business Processing Association of the Philippines, Philippine Constructors Association, Confederation of Wearables Exporters of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, iPeople sa pamamagitan ng National Teachers College, SM Group, at Philippine Center for Entrepreneurship.