Nanawagan si Senate President Francis Escudero sa kanyang mga kasamahan sa Senado na manatiling impartial kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na isinampa sa House of Representatives.
Pinaalalahanan ni Escudero ang mga mambabatas na huwag maglabas ng anumang pahayag na maaaring magdulot ng pagdududa sa kanilang pagiging patas. Ayon kay Escudero, dapat objective at impartial ang mga kapwa niya mambabatas kung itutuloy ito sa Senado bilang impeachment court.
“While impeachment is often described as a political exercise, it is crucial that members of the Senate approach it with the impartiality and objectivity demanded of us,” saad ng senador.
Idiniin din niya ang kahalagahan ng impeachment bilang isang constitutional process para papanagutin ang pinakamataas na opisyal ng bansa kung kinakailangan.
Bilang paghahanda sa 2025 midterm elections, hinimok ni Escudero ang kanyang mga kapwa mambabatas na unahin ang mga mahahalagang batas kaysa makisali sa political noise.
“Impeachment man o wala, hindi puwedeng pabayaan ang pangangailangan ng ating mga kababayan,” ayon sa lider ng senado.
Pinaalala rin niya na tungkulin ng Senado na magpatuloy sa pagtugon sa mga isyung pambansa tulad ng kalusugan, ekonomiya, at kapakanan ng mga Pilipino, kasabay ng anumang impeachment proceedings.
Photo credit: Facebook/senateph