Ihahain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang “Online Death Verification System Act” na layong magkaroon ng online death verification system upang maagapan at maiwasan ang mga kaso ng identity theft ng mga yumao.
“Sa maraming pagkakataon ay napatunayan sa maraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado na nagagamit ang pangalan ng mga yumao na sa mga fraudulent payment claims, dayaan sa halalan at iba’t ibang uri ng panloloko. Panahon na para solusyunan ang bagay na ito,” aniya.
Sa ilalim ng panukalang batas ay magtatatag ng Philippine Death Check (PDC) Register, isang centralized electronic database naglalaman ng mortality data na irerehistro sa Local Civil Registrar (LCR) na siya namang pangangasiwaan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kapag nairehistro na ang pagkamatay ng isang indibidwal sa LCR, ang impormasyon ay mabilisang ia-upload sa PDC Register Electronic System, ayon sa pahayag ni Estrada.
Titiyakin ng PSA ang seguridad at integridad ng PDC mula sa mga data breaches at iba pang paraan ng pamemeke ng impormasyon.
Ayon kay Estrada, matagal ng sinasamantala ng mga kriminal at sindikato ang kawalan ng mabilis na access sa death data upang isagawa ang kanilang mga mapanlinlang na gawain at mga katiwalian.
Nabanggit ng mambabatas ang kaso ng multibillion-peso bogus claims na binayaran ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga dialysis treatment centers noong 2019 kung saan inimbestigahan ito ng Senado.
“Ang mga pondong inilaan para sa mahihirap at totoong nangangailangan ng tulong medikal ay napunta sa mga kamay ng mga may-ari ng pribadong dialysis centers. Itong ‘ghost dialysis’ scheme na may kinalaman sa paghahain ng mga claims sa PhilHealth gamit ang pangalan ng mga yumaong pasyente ay nagpapatunay sa pagsasamantala sa kahinaan sa burukrasya at nagbubunsod para magkaroon ng matibay na mekanismo laban sa mga iligal na gawain,” paliwanag niya sa paghahain ng kanyang panukalang batas.
Ang “ghost dialysis” scheme ay nabunyag noong 2019 kung saan ang ilang dialysis treatment centers ay nag-file ng claims para sa dialysis ng mga pasyenteng patay na.
Sinabi rin ni Estrada na makakatulong ito sa paglilinis ng listahan ng mga rehistradong botante upang hindi na magamit ng mga kawatan ang pangalan ng mga yumao para manipulahin ang resulta ng halalan.
Dati nang pinapanawagan ng Commision on Elections (Comelec) na magkaroon ng batas upang solusyonan ang problema sa “ghost voters” na ayon kay Comelec Chairman George Garcia ay “cause of serious concern.”
Pinahintulutan ang PSA na bigyan ng agarang access sa impormasyon ang PhilHealth, Comelec, Government Service Insurance System, Social Security System, Home Development Mutual Fund at Philippine Veterans Affairs Office upang mapigilan ang identity fraud.
Sa pagproseso ng mga personal na impormasyon, mananaig pa rin ang mga probisyon ng Data Privacy Act of 2012, giit ni Estrada.
May kaukulang multa mula P500,000 hanggang P4 milyon, gayundin ang pagkakakulong mula tatlo hanggang anim na taon ang ipapataw sa sinumang mapapatunayan na sinadya ang paglabag sa pagkuha ng nasabing impormasyon.
Photo Credit: Facebook/senateph