Nabahala si Senador Jinggoy Estrada sa resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia na nagpapakita kung gaano kalala ang problema sa mga naglipanang fake news sa bansa.
“Ang maling impormasyon at disinformation ay hindi dapat isantabi. Ang mga nasa likod nito ay dapat managot sa kanilang mga ginagawa. Hindi tama na hayaan nating lumaganap ang mga iresponsableng balita at impormasyon dahil ito ay magdudulot ng maling desisyon at opinion sa ating mga kababayan,” aniya sa isang pahayag.
Dahil dito isinusulong ni Estrada ang Senate Bill No. 1296 na naglalayong gawing krimen ang pagpapakalat ng fake news sa bansa.
“Nakakaapekto ang masasamang desisyon sa interes ng publiko, kaligtasan, kaayusan at buhay ng mga tao. Ang mga ganitong desisyon na base sa mga maling impormasyon ay may kaakibat na halaga at hindi kinakailangang pag-aaksaya ng human, natural, financial, and time resources. Hindi natin dapat hayaan ito sa panahon na may kinakaharap na krisis ang ating bayan,” giit niya.
Maliban sa resulta ng Pulse Asia survey na nagpapakita ng napakalaking mayorya o humigit-kumulang 90 porsyento ng Pilipino ang nagsabi na sila ay nakabasa, nakarinig at nakapanood na ng mga pekeng balita sa pulitika, sinabi rin ng mambabatas na nakaka-alarma ang impormasyon na maging ang mga media outlet at national-level politicians ay kabilang sa mga pinagmumulan ng fake news tungkol sa gobyerno at pulitika sa bansa.
Sinabi niya na habang ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang malayang pananalita at mapapahayag, hindi ito dapat abusuhin. “Tungkulin ng bawat Pilipino na mag-ambag sa pag-unlad at kapakanan ng bansa, itaguyod at sundin ang mga batas,” ani Estrada.
Pinunto rin niya ang paggamit ng iba’t ibang platform kung saan pinapakalat ang mga pekeng balita, gayundin ang papel ng social media influencers, bloggers at vloggers sa problemang ito gaya ng ipinakita sa pinakabagong survey.
“Ito ang dahilan kung bakit nilalayon natin na magtatag ng isang polisiya upang mabigyan ang publiko ng paraan para maprotektahan sila mula sa mga online na kasinungalingan at pagmamanipula. Umaasa tayo na matitigil ang paglaganap ng disinformation at maling impormasyon sa internet sa pamamagitan ng isang batas na magsasaklaw na gawing cybercrime ang mga fake news,” paliwanag ng senador sa kanyang pagsusulong ng SB 1296.
Kaugnay ng mga pangyayaring ito, itinulak niya ang agarang deliberasyon sa Senado sa kanyang panukalang batas.
“Iba na ang panahon ngayon. Dahil ang social media ay nagiging paraan sa pagpapakalat ng mga pekeng balita at maling impormasyon at kung saan ang mga tao ngayon ay umaasa at ginagamit na batayan para sa pagkuha ng impormasyon, balita, libangan, pananaliksik at sa iba pang mga bagay, hindi natin maiiwasan na mabigla tayo sa ating mga nababasa at kung ito ba ay totoo at kapani-paniwala. Hindi tama na panatilihin natin at palakihin natin ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino sa kultura ng fake news,” sabi ni Estrada.
Photo Credit: Facebook/senateph