Pagiigtingin na ng Integrity Monitoring and Enforcement Group ng Philippine National Police (PNP) ang monitoring sa kanilang mga personnel matapos ang kabi-kabilang ulat na nagiging escort umano sila ng mga Chinese.
Upang maiwasan ang moonlighting at tila pagiging tuta ng ibang pulis sa ibang nasyonalidad tulad ng Chinese, babala ni PNP Brigadier General Warren de Leon, mayroon na silang grupo na nakaantabay sa mga establishments na karaniwang pinupuntahan ng mga Chinese sa bansa.
“Bumuo na kami ng mga team para magmo-monitor sa mga casino, restaurant, public places na puwedeng puntahan nung mga VIPs na may kasama na unauthorized na security escorts.”
Aniya, ito ang kanilang solusyon matapos ang sunod-sunod na ulat na marami raw ang nakakakita na may escort ang ilang Chinese na miyembro umano ng PNP kahit hindi ito pinahintulutan ng ahensya.
“Hindi po trabaho ng pulis to give VIP protection to anybody. Our job is to give security to people whose lives are under threat,” saad ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa isang interbyu sa dzBB.
Paglilinaw ni Marbil, kung kailangan man ng escort ng isang indibiwal ay marapat na dumaan ito sa tamang proseso upang malaman kung para saan ito at kung bakit kailangan ng kaagapay na pulisya.
Sa kabila nito, nanawagan ang PNP sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung may makita man na kahina-hinalang escort ang isang indibidwal na kabilang sa hanay ng kanilang kapulisan upang makatulong sa agarang pag-monitor dito.
Maalalang kamakailan lamang ay mayroong dalawang commandos ng Philippine National Police-Special Action Force ang humaharap sa kasong alarm and scandal dahil umano sa kanilang pagiging “unauthorized security escorts” para sa mga Chinese na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.