Nilinaw ng abugadong si Salvador Panelo, dating spokesperson ni dating pangulong Rodrigo Duterte na hindi totoo ang kumakalat na balitang umatras na ang huli bilang kandidato sa pagka-mayor ng Davao City para tumakbo bilang Senador.
“Fake news,” ang diretsahang sagot niya sa INQUIRER.net nang tanungin tungkol sa umano’y mga planong ito. Ayon sa abugado, walang katotohanan ang mga usaping ito at walang balak ang dating pangulo na tumakbo sa Senado.
Bukod kay Panelo ay kinumpirma rin ng isang malapit na aide ni Duterte na fake news nga ang nasabing balita. Ayon sa aide, na nakiusap na huwag nang pangalanan, walang plano ang dating pangulo sumabak sa senatorial race. Bagaman nasa Metro Manila si Duterte, nilinaw ng aide na nandoon siya para sa mga “prior commitments.”
Matatandaang sabay-sabay na naghain ng kanilang certificates of candidacy (COC) si Duterte at ang kanyang mga anak: si Sebastian para sa pagka-bise alkalde at si Paolo para maging kinatawan ng unang distrito ng Davao City.
Tanging si dating Civil Service Commission chair Karlo Nograles ang kasalukuyang malinaw na kalaban ni Duterte sa mayoralty race sa lungsod matapos maghain ng kanyang COC.
Photo credit: Presidential Communications Office website