Maaaring makasuhan si Davao del Norte First District Representative Pantaleon Alvarez matapos niyang hikayatin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumiwalag sa Marcos administration dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, ayon sa isang kilalang abogado.
Sa isang interview sa Teleradyo Serbisyo, sinabi ni former Integrated Bar of the Philippines president Domingo Cayosa na pwedeng makasuhan si Alvarez ng violation ng Anti-Terrorism Law kung ang kanyang pahayag ay nagdulot ng “confusion, fear and terror” sa mga mamamayan.
Sang-ayon din si Cayosa sa naging komento ni Justice Secretary Jesus Remulla, na nagsabing ang pahayag ng dating House Speaker ay nagpapakita ng sedition dahil maaring mapigilan nito ang militar sa kanilang tungkulin na protektahan ang bansa.
Dagdag pa ng abogado, dapat ay maingat si Alvarez sa kanyang mga pahayag lalo na’t siya’y isang government official.
“Pwedeng unethical conduct of a legislator. Sapagkat ikaw ay kasama sa gobyerno, which he is a congressmen. Dapat naman don’t undermine the government lalo na ito as against foreign power,” aniya.
Ayon pa kay Cayosa, ang pahayag ni Alvarez ay maaring makaapekto sa pananaw ng mga Pilipino kahit na nagpahayag ang AFP na hindi nila susundin ang sinabi ng naturang mambabatas.
“It is sad. Lalo na ngayon there is West Philippine Sea [issue]. Tapos tatakutin natin ang gobyerno, talagang treasonist nga ‘yan in layman’s term. Parang tinutulungan mo yung kalaban natin. Hindi maganda ‘yun,” aniya.
Samantala, sa isang press release, sinabi ni Alvarez na hindi siya dapat makasuhan at hindi seditious ang mga pahayag niya dahil ginagamit lamang niya ang kanyang freedom of speech bilang isang indibidwal at government official.
“Bawal na ba ang pagsabi ng nasa damdamin kahit nakikita na malaking peligro ang hinaharap ng bansa?” tanong niya.
Dagdag pa ni Alvarez, ang kanyang pahayag ay nagpapakita lamang ng kanyang dedikasyon at pagmamahal sa bansa, “At dahil mahal ko ang ating bansa, wag kayo magulat na gagawin ko ang kailangan gawin para ipagtanggol ang ating Konstitusyon, ipagtanggol ang Pilipinas, at pigilan ang paparating na digmaan na sisira sa Pilipinas at papatay sa napakaraming mga Pilipino.”
Ipinaglalaban man ni Alvarez na ito ay freedom of speech, sa opinyon ni Cayosa, ang kanyang pahayag ay hindi tama at maaring makaapekto sa buong bansa.
“Seryoso po ito because it affects national security and national interest,” aniya.