Buong paggalang at suporta ang ipinahayag ng Liberal Party of the Philippines (LP) sa desisyon ni dating Bise Presidente Leni Robredo na huwag tumakbo sa Senado sa darating na 2025 elections.
Sa isang pahayag, idiniin ng partido ang paghanga nito sa pamumuno at dedikasyon ni Robredo sa serbisyo publiko. “Hangad namin ang kanyang tagumpay at pamamayagpag, anuman ang tahakin niyang direksiyon.”
Binigyang-diin pa ng LP ang pagiging isang inspirasyon ni Robredo, hindi lamang bilang isang mahusay na pinuno kundi bilang isang pigura ng katatagan at ang kanyang commitment sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
“Lagi namin siyang titingalain, hindi lang bilang isang mahusay na pinuno, kundi bilang inspirasyon sa pagharap sa mga pagsubok at pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” dagdag nito.
Sa kabila ng kanyang desisyon na huwag tumakbo sa pagka Senador, nananatiling tiwala ang partido sa magiging kontribusyon ni Robredo sa bansa.“Wala kaming duda na anumang paraan ng paglilingkod ang kanyang pipiliin, gagawin niya ito nang buong husay at pagmamalasakit sa Pilipinas at mga Pilipino.”
“The Liberal Party stands behind former Vice President Robredo and wishes her the very best in her future endeavors.”
Matatandaang kinumpirma ni Robredo na mas gusto niyang tumakbo bilang mayor sa Naga City sa 2025 elections.
Photo credit: Facebook/VPLeniRobredoPH