Iminungkahi ni Senador Idol Raffy Tulfo ang pagbibigay ng full scholarship ng gobyerno sa mga karapat-dapat na mag-aaral na nagnanais na maging nurse.
Aniya sa isang pahayag, ang mga napiling iskolar ay kinakailangang maglingkod sa mga government hospitals nang hindi bababa sa apat hanggang limang taon.
Sinabi ni Tulfo na ang ideal na nurse to patient ratio ay nasa 1:4, ngunit ang kasalukuyang ratio sa Pilipinas ay tinatayang nasa 1:20 lamang.
Hiniling din niya sa Department of Health na tugunan ang diskriminasyong kinakaharap ng mga nurses, kabilang na ang selective grant of benefits gaya ng hazard pay. Sinabi ng Senador mula sa Isabela at Davao na nalaman niya na ang mga nurse lamang na na-expose sa mga pasyente ng Covid-19 o nakatalaga sa mga Covid-19 wards ang binibigyan ng hazard pay.
“We should be sensitive sa mga needs ng ating mga nurses. Kailangan natin silang alagaan at tratuhin nang maayos. We should be fair. Importante din na gamitin ang common sense in addressing their needs,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang lahat ng mga nurse ay posibleng mahawaan ng virus sa oras pa lamang na sila ay bumiyahe papunta sa trabaho hanggang sa oras na sila ay makarating sa mga ospital na pinagtatrabahuhan.
Dahil sa pagod, diskriminasyon, at mas mababang suweldo, karamihan sa mga Pilipinong nurse ay lumilipad para magtrabaho sa ibang bansa.
Sabi ni Tulfo, pagaaralan niyang mabuti kung ano ang batas na maaaring ihain para masolusyunan ang problema.
Hiniling din niya sa Health department na magsumite ng records na nagpapakita ng listahan ng mga indibidwal na mga kinasuhan dahil sa kapabayaan sa pagdistribute ng mga gamot na nag-expire mula 2013-2021.
“I really need to see that record na mayroon pong nakasuhan dahil sa kapabayaan sa trabaho na nagresulta sa pagkasayang ng bilyun-bilyong halaga ng gamot. Kasi po, kailangang malaman ng taumbayan na seryoso po tayo sa ating mga trabaho at seryoso po tayo na ma-prosecute ang mga taong kinasuhan dahil sa kapabayaan sa kanilang tungkulin.
“Kasi kung hanggang press release lang po tayo na mayroong kinasuhan and later on malaman ng taumbayan na balewala din ang kaso na isinampa ng gobyerno, ay parang niloloko lang natin ang mga sarili natin,” ani Tulfo.
Photo Credit: Facebook/senateph