Nanawagan si Iloilo First District Representative Janette Garin sa Department of Health (DOH) matapos nitong tapyasan ng P4.2 billion o 71.21 percent ang budget para sa communicable diseases at ilipat ang pondo para sa health promotion program ng ahensya.
Ayon kay Garin, na isang physician at dating secretary ng naturang ahensya, maituturing na “wrong priority” ang paglipat ng pondo mula sa communicable disease prevention lalo na’t nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.
“We are in dire need of funds and these funds was transferred to the health promotion office and to the blood center and other voluntary blood services, laudible naman po ang programa pero mahirap po kasi iexplain sa taumbayan na ang tinapyas ng DOH ay para sana sa program ng communicable diseases.” pahayag ng mambabatas na siya ring vice chairman ng House Committee on Appropriation.
Dagdag na punto niya, maliban sa Covid-19 ay maari ding gamitin ang pondo para sa gamot kontra monkeypox na isa pang panibagong umuusbong sakit.
“Ang pondo na ito ay pwede na ibili ng dagdag na gamot kontra covid, pwede ibili para sa monkeypox and gamitin sa ibang pangangailangan, my point is the pandemic is not yet over bakit natin tatapyasan ang control and prevention disease.”
Maliban sa Covid-19 at monkeypox, binigyan pansin din ni Garin ang iba pang mga sakit na dapat tutukan gaya ng tuberculosis, leptospirosis, encephalitis, at HIV/AIDS na pinangangambahan pagkat tumaas ang mga kaso nito nang matutok ang bansa sa paglutas ng Covid-19 pandemic.
Ayon sa National HIV/AIDS Registry, pumatak na sa 100,000 ang mga kaso ng nasabing sakit sa unang anim na buwan pa lamang ng taon.
Sa kabilang banda, dinipensahan ni kasalukuyang Health Officer in Charge Rosario Vergeire ang desisyon ng ahensya na magbawas ng budget para sa communicable diseases dahil hindi na umano bibili ng personal protective equipment (PPE) at GeneExpert Cartridges na gamit sa Covid-19 at iba pang sakit ang departamento.
Sagot naman ng mambabatas, ang pagpapabagal at pag-control ng mga communicable diseases ay hindi lang dapat nakatutok sa pagbili ng PPE at testing cartridges.
“Maganda ang health promotion nandyan ang policy development, positive building advocacy maganda naman po ito pero babalik ulit tayo sa mas importante ba yung health impact assessment and action research kaysa salbahin natin ang kalusugan ng ating kababayan,” pandiing pahayag ni Garin.
Ayon kay Vergeire, ang kanilang hiniling na P95 billion budget para sa Covid-19 response ay sinagot lamang ng P24.98 billion na aprubadong pondo ng Department of Budget and Management (DBM). Ang halagang ito ay itinuring ni Garin na mababa kaya’t anya ay tila kontra ito sa pahayag ng Health department na “malayo pa ang end of pandemic.”
“The budget is too low considering that the DOH themselves admitted that they are not looking at the end of pandemic as of this time,” aniya.
Paalala ng dating Health secretary, iwasan umano ng ahensya na maging pabaya sa mga communicable diseases lalo na sa Covid-19 pagkat nagbabala na ang mga eksperto na maaring tumaas muli ang admission rate sa mga ospital dahil mababa pa ang booster population ng bansa.
“The country do not have a high population immunity as the wall of immunity the country had after the first primary series vaccine was affected by the omicron sub variant and have already waned,” payo ni Garin.
Photo credit: House of Representatives website