Sa gitna ng malaking pagtataas ng presyo ng petrolyo, muling hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Land Transportation Regulatory and Franchising Board at iba pang ahensya na tiyakin ang mahusay at napapanahong pagpapatupad ng fuel subsidy para sa mga apektadong sektor.
“Kung meron na sana tayong batas para sa ayuda ng mga tsuper at operator ng public utility vehicles o PUV, hindi na sila mahihirapan pang pasanin ang bigat ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis lalo na’t patuloy din ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” aniya sa isang pahayag.
Muling iginiit ni Gatchalian ang pangangailangang ma-institutionalize ang Pantawid Pasada Program, dahilan kung bakit nauna niyang inihain ang Senate Bill No. 384 na nagtatadhana ng energy subsidy program na naglalayong ma-institutionalize ang Pantawid Pasada.Â
Ang panukala ay nagtatadhana na ang subsidiya ay ipagkakaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo kapag ang average price ng Dubai crude para sa tatlong magkakasunod na buwan ay katumbas o higit sa $80 kada bariles tulad ng kaso ngayon. Ang Dubai crude ay huling nagsara sa $95.80 kada bariles.
Ang panukalang batas na ito, idinagdag ng mambabatas, ay nangangailangan ng paggamit ng mga digital payment system sa pamamahagi ng subsidy at nagpapataw ng mga parusa laban sa mga opisyal ng gobyerno na hindi ginagawa ang mandato na tiyaking napapanahon ang pagpapalabas ng naturang subsidiya sa lahat ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
“Dapat maging handa ang mga ahensya ng gobyerno na makagawa ng maayos na pagpapatupad ng Pantawid-Pasada program sa tuwing may sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Dapat natuto na tayo sa mga nakaraang karanasan ng pamimigay ng ayuda,” giit niya.
Kamakailan lamang ay nagpasya ang Organization of Petroleum Exporting Countries plus na bawasan ang produksyon dahil sa inaasahang mas mabagal na paglago ng ekonomiya sa mundo. Ito, ayon kau Gatchalian, ay tiyak na magpapataas lalo sa presyo ng petrolyo sa bansa lalo na’t may paghihigpit na nga ng suplay mula sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, sa kabila ng bagong fare hike na nagsimula noong Oktubre 3, hindi pa lahat ng PUV drivers at operators ang nakakasingil ng mas mataas na pamasahe dahil hindi pa nila nakukuha ang kopya ng kanilang bagong fare matrix.
Photo Credit: Philippine News Agency Website