Sa gitna ng pagdiriwang ng World Science Day for Peace and Development ngayong araw, Nobyembre 10, patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng mga pampublikong math and science high school sa lahat ng probinsya sa bansa.
Ang Senate Bill No. 476 o ng Equitable Access to Math and Science Education Act, na inihain niya, ay naglalayon ng pagkakaroon ng access sa dekalidad na edukasyon sa applied sciences, mathematics, at technology para sa lahat ng mga Pilipino upang linangin ang susunod na henerasyon ng mga siyentipiko, mathematicians, mga inhinyero, at iba pang mga propesyonal na magsusulong ng pag-unlad ng agham, teknolohiya, at industriya.
Ang ganitong uri ng academic preparation ay nagbibigay daan para sa pag-unlad ng critical thinking at financial literacy, na kritikal para sa paglago ng ating ekonomiya; lalo na at kinakailangan ng Pilipinas ang workforce na mahusay sa science at math, sabi ni Gatchalian, na nagbibigay-diin sa mga benepisyo ng pag-iinvest sa human capital.
“Ang isang matatag na sektor para sa research and development ay mahalaga upang maiangat natin ang antas ng ating pamumuhay,” aniya sa panukalang batas.
Nagbigay din ang mambabatas ng mga datos mula sa UNESCO Institute of Statistics, na nagpapakita na ang bansa ay mayroong 186 na mananaliksik sa bawat milyong tao, o mas mababa sa 200. Ito ay isa sa pinakamababa sa mga bansang sa Association of Southeast Asian Nations.
Binanggit din niya ang mahinang performance ng mga mag-aaral ng bansa sa math at science sa 2018 Program for International Student Assessment, kung saan lumabas na pangalawang pinakamababa ang Pilipinas sa Science and Mathematics kung ikukumpara sa 79 na bansang nakilahok.
Pinakamababa sa Mathematics and Science ang markang nakuha ng Pilipinas sa 58 bansang nakilahok sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study. Ayon naman sa pag-aaral ng Southeast Asia Primary Learning Metrics 2019, 17 porsyento lamang ng mga mag-aaral sa Grade 5 ang nakapagtamo ng minimum standards sa Mathematics sa pagtatapos ng primary.
“Ang math at science ang ating pundasyon upang isulong ang inobasyon sa ating bansa. Kung mapapatayuan natin ang bawat probinsya ng pampublikong math at science high school, matitiyak natin na bawat sulok ng bansa ay magkakaroon ng mahuhusay na Science, Technology, Engineering, Agriculture and Mathematics professionals na makakatulong sa ating pag-unlad,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Photo Credit: Philippine News Agency