Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong ibalik ang dalawang taong mandatory Basic Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Program at ang two-year voluntary Advance ROTC Program sa kolehiyo.
Ang Senate Bill No. 1551 o Mandatory Basic Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act, ay saklaw ang lahat ng mag-aaral na naka-enrol sa anumang undergraduate degree, diploma, o certificate program sa lahat ng pampubliko at pribadong unibersidad, kolehiyo, vocational schools, at iba pang tertiary educational institutions.
Ayon sa panukalang batas, bilang bahagi ng Basic ROTC program, ang mga mag-aaral sa tertiary institutions ay dapat makatanggap ng basic military at leadership training. Ginagawa ito sa panahon ng digmaan, mga krisis, at mga sakuna, gayundin sa mga lokal o pambansang emergency. Maliban sa military training, magiging bahagi rin ng Basic ROTC ang civic training at mas maigting na paghahanda sa pagresponde sa kalamidad.
Katwiran ni Gatchalian, mas praktikal na ibalik ang Basic ROTC sa kolehiyo imbes sa Senior High School. Â Binigyang-diin niya na mas kailangan kasing tutukan ang learning recovery sa basic education lalo na’t nakaranas ang mga mag-aaral ng learning loss dahil sa pandemya ng COVID-19.Â
Ang pagdagdag ng Basic ROTC sa Senior High School, ayon sa mambabatas, ay salungat sa ginagawang pagrepaso sa K to 12 curriculum, kaya binawi ng mambabatas ang nauna na niyang panukalang ROTC sa high school.
Tinalakay din niya ang gastos sa pagsasama ng Basic ROTC sa Senior High School. Tinataya ng Department of Education at Department of National Defense na kakailanganin ang mahigit siyam (9.3) na bilyong piso para sa pagpapatupad ng programa sa buong bansa, isang napakalaking halaga sa gitna ng paahon pa lamang na ekonomiya mula sa pandemya ng Covid-19.
Kung ipapatupad naman ang Basic ROTC sa kolehiyo, sasailalim pa rin sa programa ang malaking porsyento ng Senior High School graduates upang maging bahagi ng Reserve Force, ani Gatchalian. Binigyang diin niya na nitong nakaraang apat na taon, 81% ang average ng mga Senior High School graduates na nagpatuloy sa kolehiyo.
“Isinusulong natin ang pagbabalik ng Basic ROTC upang ituro sa ating mga kabataan ang disiplina at pagmamahal sa ating bansa, lalo na’t sila ang mamumuno sa bansa balang araw,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Photo Credit: Siliman University official website