Binalaan ni Senador Win Gatchalian ang nakasanayang “utang tagging” scheme na prinoproblema ng sektor ng mga guro kung saan ang mga propesyonal na may nakibinbing administrative cases ay hinaharangan sa pag-renew ng lisensya sa Professional Regulation Commission (PRC).
Sa kabila ng pag-suspinde ng naturang ahensya sa polisiyang ito, patuloy pa ring pinagtibay ni Gatchalian ang kanyang posisyon na palakasin ang proteksyon ng mga guro laban sa aniya’y mapangabusong sistema sa pangongolekta ng utang.
Dagdag niya, tila nagiging hostage ang mga guro na di nakakapagbayad ng utang dahil hawak ng PRC ang karapatan sa renewal ng kanilang mga lisensya.
“Hindi natin dapat iniipit ang lisensya ng ating mga guro dahil sa kanilang pagkakautang. Ang ganitong klase ng panggigipit at pang-aabuso sa ating mga guro ay hindi dapat natin pinalalagpas.” pahayag ng Senador na siya ring chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Sa palagay ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Representative France Castro, maari umanong mga loan sharks na may koneksyon sa PRC ang pasimuno ng “utang tagging.”
Dagdag ni Castro, ang mga apektadong guro ay may mga karagdagang loan mula sa mga lending schemes na hindi aprubado ng Department of Education (DepEd) na kadalasan ay naniningil ng di pangkaraniwang mataas na interes.
Kasabay nito, binigyang pansin ni Gatchalian ang kahalagahan ng Senate Bill No. 818 o ang Fair Debt Collection Practices Act na magbibigay ng proteksyon sa mga mangungutang.
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang maniningil ng utang ay hindi maaaring gumamit ng pang-aabuso sa panahon ng paniningil; ilang halimbawa nito ang paggamit ng karahasan, pagbabanta, pagsasa publiko ng pangalan at ibang impormasyon, paggamit ng mapanirang-puri ng pananalita, mapanlinlang na pamamaraan ng paniningil, di makataong paniningil at iba pa.
“Tungkulin nating protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga guro na marami nang isinasakripisyo para sa pagpapatuloy ng edukasyon,” ani Gatchalian.
Photo credit: Facebook/WinGatchalian74